WIKA ANG INSTRUMENTO na may kakayahang isalaysay ang kwento ng ating kultura, kasaysayan, at pagkakakilanlan. Sa mundong patuloy na umuusad, maraming pagsubok ang kinakahinaharap ng Pilipinas sa pagpapanatili ng mga katutubong kultura. Isa sa mga malinaw na hamon ay ang krisis na kasalukuyang kinakalaban ng lengguwaheng Negrito.
Ayon sa datos mula sa Ethnologue, ang Pilipinas ay tahanan ng tinatayang 175 na wika. Sa mga ito, mahigit 30 ang sinasalita ng mga populasyong Negrito na kinabibilangan ng mga grupong Aeta, Agta, Dumagat, at marami pang iba. Sa kabila ng kahalagahan ng mga wikang ito, marami sa kanila ang nanganganib o tinatawag na endangered, at ang ilan ay tuluyan nang nawala sa mga nakaraang dekada.
Bilang pagkilala, ibinibanggit ito sa mga samu’t saring pag-aaral, na ang wikang Negrito ay nagmula sa mga pidgin o simpleng wika na ginamit noong panahon ng mga sinaunang Austronesyo sa Pilipinas. Sa paglipas ng panahon, ang mga pidgin na ito ay naging creole at kalaunan ay nagkaroon ng sarili sistema ng pagbigkas at pagsulat.
Hindi maitatanggi na ang mga wikang ito, na mahalagang bahagi ng ating pagka-Pilipino, ay unti-unting nawawala sa makabagong panahon. Mainam lamang na suriin ang kalagayan ng mga wika ng Negrito at tukuyin ang mga paraan upang mapanatili ang kanilang pag-iral upang hindi sila tuluyang mabura at makalimutan.
Ugat ng mga suliranin
Sa isang panayam kasama si Kim Falyao, National Coordinator ng SIKLAB Philippine Indigenous Youth Network, isang pambansang koalisyon ng kabataang katutubo, ibinahagi niya ang mga hamon na kinakaharap ng mga katutubong kabataan sa bansa, partikular na sa pag-preserba sa kanilang mga wika at kultura.
“Para sa mga indigenous people (IP) kasi, meron kaming parang motto o kasabihan na ‘land is life.’ Sa lupa kasi namin nakaugat ang kabuhayan namin, iyon na mismo ang buhay namin kasi sa mga community namin natayo ‘yung mga tahanan namin, sa komunidad na rin namin na-establish ang aming kultura, aming mga tradisyon, at doon na rin nakalibing ang aming mga ninuno,” paliwanag ni Falyao sa malalim na ugnayan ng mga katutubo sa kanilang lupa na hindi lang pinagmumulan ng kabuhayan kundi ng kultura at pagkakakilanlan.
Ibinahagi rin ni Falyao ang kanyang mga personal na karanasan bilang isang Igorot na lumipat sa Maynila para sa mas magandang oportunidad sa edukasyon at trabaho, “Natulak ‘yung parents ko na mag-stay dito sa Manila for better access to job, education, and ‘yung grandparents ko need na rin ng maayos na healthcare system compared to ‘yung nasa probinsya namin.”
Batid niya, sa paglipat ng kanilang pamilya mula sa probinsya patungo sa mga lungsod, naging malinaw ang epekto nito sa kanilang koneksyon sa sariling kultura. Sa ganitong paglipat, madalas na napipilitan ang mga katutubo na umayon at maki-bagay sa bagong kapaligiran. Ngunit, kalakip nito ay ang unti-unting pagkawala ng kanilang cultural identity.
“’Yung mga social issues tulad ng deprivation of basic social services sa mga indigenous communities ang nagtutulak para ma-detach kami sa aming ancestral lands na nagiging main reason why hindi na namin ma-practice ‘yung mga mother tongue languages, and even ‘yung aming culture in a broader sense,” isang realidad na ini-alay ni Falyao na sumasalamin sa mas malawak na suliraning patuloy na kinakaharap ng mga katutubong komunidad sa Pilipinas.
Pinunto rin ni Falyao ang patuloy na diskriminasyon laban sa mga katutubo, maging sa sistematikong pagpapabaya ng gobyerno. “Diba usually, nung mga bata pa tayo, kapag nakakarinig ng word na ‘katutubo’, meron na kayong general visuals… sa description sa kanila. Kapag sinabing IP, ibig sabihin kulot yan, maitim, pandak, pango. Itong mga general description… manifestation siya na walang maayos na pagkilala ‘yung estado or ‘yung government sa mga IPs natin kasi kahit sa simpleng mga libro ay hindi sila napakikilala ng maayos. Sa totoo naman maraming itsura ang katutubo,” lahad niya.
Malaking isyu ang kawalan ng sapat na pagtuturo tungkol sa indigenous knowledge systems and practices sa mga paaralan. Ang curriculum na inaangkop sa bansa ngayon ay nakabatay sa mga westernized methodologies at globalized perspectives na hindi nag-popromote ng mga natatanging kaalaman sa tradisyon ng mga katutubo.
Ang sitwasyon ay lumalala pa sa mga aksyon ng gobyerno, kung saan ang mga indigenous communities ay nagiging target ng militarisasyon. “Reflection rin talaga siya ng neglect and attacks ng government sa mga katutubong komunidad. Walang budget, walang maayos na programs, and aside from that, ay inaatake niya rin ‘yung mga indigenous communities,” bigkas ni Falyao.
Ang mga pananaw ni Falyao ay tunay na nakapupukaw at nagbibigay ng liwanag sa mga hamon na kinakaharap ng mga katutubo sa bansa, at ang pangangailangan para sa mas malalim na pag-unawa at suporta sa kanilang mga karapatan at kultura.
Panawagan sa Pagtugon
Sa harap ng mga hamon, mahalaga ang mas aktibong pakikilahok sa mga adhikaing pinangungunahan ng komunidad. Ang mga ‘community-led’ at ‘mass-oriented’ na paaralan ay nagsisilbing kanlungan sa pagpapanatili ng kultura at wikang katutubo.
Upang mapalaganap ang mga wikang katutubo tulad ng mga wika ng Negrito, kinakailangang magpatuloy ang masusing pananaliksik sa kalagayan ng kanilang populasyon. Ang pagkilala sa tunay na kalagayan ng mga komunidad na ito ay nagbibigay-daan sa mas makabuluhang solusyon sa kanilang mga suliranin.
Isa sa pinakamabisang paraan upang mapanatili ang mga wikang katutubo ay ang pagtuturo nito sa mga kabataan. Ang pagbasa at pagsulat gamit ang kanilang sariling wika ay hindi lamang nagpapalakas ng kanilang pagkakakilanlan kundi nagbibigay rin ng tiyak na daan para sa pagpasa ng kaalaman sa susunod na henerasyon.
Ang suporta mula sa mga non-government organizations (NGOs) ay mahalaga rin, lalo na sa pagpapalakas ng mga paaralan nakabatay sa kultura ng mga IP communities. Ang bawat hakbang tungo sa edukasyon na nakaugat sa kanilang kultura ay isang hakbang tungo sa kaunlaran ng Kulturang Pilipino na dapat lamang palawakin at pag-ibayuhin.
Bilang Pilipino, mahalaga ang pakikilahok sa mga adbokasiya na naglalayong protektahan ang mga katutubong wika. Ang ating kasaysayan ay bahagi ng kanilang kasaysayan. Kapag nawala ang wikang Negrito, kasama nito ang pagkawala ng mahalagang bahagi ng ating kultura. Samahan natin sila sa kanilang laban upang hindi tuluyang mabura ang kanilang wika at pagkakakilanlan.
(kasama si Dianne Magallon at espesyal na kontribusyon mula sa BASK | Krisland Gatchalian at Liv Algren Roxas)

