INULAN NG BATIKOS at samu’t saring opinyon ang Republic Act (RA) No. 12027, isang panukalang nagtatanggal sa mother tongue bilang pangunahing midyum ng pagtuturo mula Kindergarten hanggang Grade 3, na kamakailan lamang isinabatas nang walang tahasang pag-apruba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. 

Sa gitna ng lumalaganap na diskurso, hindi maaaring balewalain na noong ipinatupad ang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) sa ilalim ng Enhanced Basic Education Act of 2013, hindi mabilang ang mga naging hinaing ng mga guro hinggil sa hindi epektibong implementasyon nito sa mga paaralan.  

“Kung wala ang kapalagayang loob na ramdam sa paggamit ng wikang pantahanan, paano kikilalanin ng isang bata na may pamilya sa loob ng silid-aralan?”

Labis ang mga naging pagsubok na kinaharap ng mga institusyon dulot ng hindi maayos at hindi makabayang pagsasalin ng mga paksa sa iba’t ibang asignatura tulad ng agham at matematika, na nakaapekto hindi lamang sa kalidad ng pagtuturo kundi pati na rin sa pagtanggap ng mga batang mag-aaral sa kanilang mga alituntunin. 

Gayunpaman, ang sistemang hatid ng RA No. 12027, bagamat nakaayon at ipinagtitibay ng masusing pananaliksik at ebidensiya na nagpapakita na mas mainam kung ang mother tongue ay gagamitin lamang bilang “pantulong” o alternatibong panturo sa mga monolingual classrooms, ay may malinaw na kawalang-galang sa mga realidad ng mga kabataang Pilipino, lalo na sa mga kanayunan at probinsyal na sektor. 

Sa konteksto ng edukasyong pangkabataan, ang pagtuturo gamit ang sariling wika ay nagbibigay-daan upang makabuo ng koneksyon ang mga bata sa bagong mundong kanilang tatahakin. Ang mga mag-aaral na ito, sa gabay ng wika na gamit ng kanilang mga magulang, ay natututong magpahalaga, mangarap, magmahal, at maging makabayan.  

Ayon sa 2020 Census of Population and Housing na isiniwalat ng Philippine Statistics Authority (PSA), mayroong higit sa isang milyong Pilipino sa bansa na walang pormal na edukasyon, at karamihan sa kanila ay kabilang sa mga katutubong pamayanan. 

Dahil hindi nakapaloob ang kanilang mga wika sa kurikulum ng edukasyon, tila walang sapat na guro na makapagtuturo ng mga wikang katutubo sa mga batang miyembro ng kanilang komunidad na naghahangad rin ng pormal na edukasyon. Higit silang maaapektuhan ng panukalang ito lalo na’t itinuturing nila ang kanilang wika bilang salamin ng kanilang pagkatao. 

Tunay itong nakababalisa sapagkat ang talakayang ito ay hindi tungkol sa pagtugon sa hangarin ng mga tagapagbalangkas ng sistema ng edukasyon na maging globally competitive ang mga Pilipino, tulad ng karamihan sa mga batikos, kundi sa kabiguan nating isaalang-alang ang epektibong pagbuo ng isang sistema ng edukasyon na kumikilala at nagpapaunlad sa ating mayamang kultura at kawili-wiling mga pamamaraan ng pagpapahayag na binuo ng mismong wikang Filipino. 

May halaga ang pagpapatuloy sa paggamit ng mother tongue sa ating mga paaralan. Sa pagpasok ng isang bata sa larangan ng pag-aaral, dadalhin nito ang payo ng kanyang mga kapamilya at hahanap-hanapin ang nakagiginhawang tinig ng kanyang mga mahal sa buhay. Kung wala ang kapalagayang loob na ramdam sa paggamit ng wikang pantahanan, paano kikilalanin ng isang bata na may pamilya sa loob ng silid-aralan? 

email me at the thebedan_managingeditor@sanbeda.edu.ph

RELATED


Discover more from The Bedan

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading