ANG SELEBRASYON NA inihandog para sa mga kababaihan ay isang paalala na hindi nila kinakailangan sumunod sa pamantayan na mayroon ang lipunan. Ang pag-alalang ito ay nagbabahagi na ang pagtayo para sa sarili ay hindi marapat na ikinakahiya.
Nakakadismaya na sa panahon ngayon kung saan mas marami nang babae ang tumitindig upang ilahad ang kanilang mga boses at mga sarili, marami rin ang tumututol dito. Ibig ba ng lipunan na sumunod na lamang ang mga kababaihan sa nakasanayan nang sa gayo’y wala ng gulo?
Ang paghamon sa karaniwang sistema ay kailanman hindi naging mali. Sapagkat dito tayo mas nagiging progresibo. Ito ang pumupwersa sating buksan ang ating mga isipan patungkol sa isang bagay na dapat pagtuunan ng pansin.
“Habang maraming babae ang may lakas ng loob para ibahagi ang kanilang mga sarili, may iilan pa rin ang naiiwan, nahihirapan ipakita sa madla ang totoo nilang pagkatao. Kadalasan sa kanila’y mga bata na inaalam pa lang kung paano itayo ang kanilang sarili. Hindi ba dapat ang mga nakakatanda’y tumatayong ehemplo sa pagbibigay ng respeto?”
Simple lang ang nais ng mga kababaihan – ang mapansin at mapahalagahan ang kanilang pagkatao. Hindi sila parang laruan na bibihisan at ipapakita kung ano’ng dapat. Hindi tayo nabubuhay upang magsunod-sunuran lamang. Tayo’y nasa modernong panahon na kung saan pinapairal na natin ang ating sariling pag-iisip.
Sa kataasan ng pamantayan na ilinalahad ng komunidad, maraming babae ang umaayaw at lumilihis ng direksyon dahil sa kapwa nating wala manlang konsiderasyon. Hanggang dito na lang ba talaga ang kaya natin ibigay sa kanila? Tatawagin silang mga rebelde kung sakaling tumanggi sila sa iniisip ng iba?
Habang maraming babae ang may lakas ng loob para ibahagi ang kanilang mga sarili, may iilan pa rin ang naiiwan, nahihirapan ipakita sa madla ang totoo nilang pagkatao. Kadalasan sa kanila’y mga bata na inaalam pa lang kung paano itayo ang kanilang sarili. Hindi ba dapat ang mga nakakatanda’y tumatayong ehemplo sa pagbibigay ng respeto?
Kung nais natin magbigay ng hindi magandang opinyon sa aksyon ng isang dilag, hindi na natin ito kinakailangan pa ipagkalandakan sa buong mundo para lang masabi na “ito” ang nararapat.
Ni sino’y walang karapatang magbigay ng nakababastos na komento patungkol sa pananamit, pagsasalita, at pagpapasya ng isang babae. Ang daang pinili nilang tahakin ang dapat nating pinag-iisipang mabuti kung bakit nila ito ginagawa.
Ang malawakang pagprotesta ng mga kababaihan ay hindi lamang pantay na karapatan ang inaasam. Respeto at pagbibigay ng dignidad ang karugtong nito. Ang tanging hiling nila ay ang pagbabago – pagbabago sa kung paano makikitungo ang iba sa kanila at pagbabago sa paghusga sa kanila.
Ibig din nila na hindi lamang hanggang dito nagtatapos ang ideya ng mga tao patungkol sa pag-alala sa kanila, bagkus ito rapat ang magmumulat sa lahat kung saan ito’y nagsasaad na kaya rin nilang tumayo, na kaya rin nilang gawin kung ano ang kayang gawin ng iba, at mas maintindihan ang hinanaing nila sa buhay.
Sa tuwing ipinagdiriwang natin ang buwan ng Marso para sa mga kababaihan, hindi lang dapat natin ito binibigyan ng simpleng kahulugan. Atin ring tatandaan ang kanilang mga pinagdaanan, pinaghirapan, at kung paano nila ito lakas loob na hinarap.
Iniimbintahan tayo nito na pagnilayan ang kontrobersiyal na mga nangyayari sa ating kapaligiran, lalo na sa tuwing ito’y tungkol sa mga kababaihan. Matuto tayong magsalita at alamin kung ano ba ang nararapat.
Email me at thebedan_humanresourcemanager@sanbeda.edu.ph

