SA GITNA NG laganap na katiwalian at korapsyon sa ilalim ng rehimeng Marcos-Duterte, lumuluhod ang tinig ng katwiran sa nakakabinging katahimikan. Lantaran ang pang-aabuso, at ang pagsasawalang bahala ng isang institusyon, na siyang dapat gumagabay sa pormasyon ng kaniyang mag-aaral, ay hindi lamang pag-aalangan—ito ay isang kasalanan sa demokrasya at kanyang kasaysayan.

Sa kasalukuyan, kaliwa’t kanang isyu ang umusbong patungkol sa katiwalian sa mga ahente ng gobyerno, partikular na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na nakatalaga sa pagpapatupad ng mga programa ng maanomalyang flood control projects. Ito ay nag-udyok ng mas malalim na imbestigasyon sa katiwalian ng gobyerno, kung saan nasangkot ang pangalan ng ilang mga mambabatas at kongresista. 

Dahil dito, idinaos ang mga mobilisasyon sa Luneta at EDSA noong Setyembre 21, dala-dala ang diwa at bigat ng ating kasaysayan noong panahon ng diktadurang Marcos Sr. Ang pag-aalala ng panahong ito ay patunay sa muling pagmulat ng mamamayan.

Ito’y inaanyayahan ng mga lider ng kilusan na kapitan ang nasimulan na, bitbit ang galit ng taumbayan sa pagnanais na mapanagot ang kurakot at ang kanilang mga kasabwat, sa kinabukasan na mulat ang mata ng mga Pilipino sa kanyang inaapi na kapwa.

Sa kabila ng gulo, hindi lamang panawagan ang pagtakwil sa mga responsable sa katiwalian, kundi responsibilidad ng mga paaralan na payuhan ang kanyang kabataan upang maitaguyod ang balwarte ng kaalaman para sa inang bayan. Tungkulin ng isang pamantasan ang paghubog sa kabataan, hindi lamang sa aspeto ng akademya, kundi pati na rin sa pagiging mulat at matatag sa paninindigan sa lipunan.

Ngunit, sa reyalidad na ang tanging ambag lamang ay dasal, na siyang hindi binibigyan ng kaukulang pagkilos at gawa, nasaan ang buo’t tunay na huwaran ng kahulugan ng “Ora et Labora” kung liban ang Labora?

Nanindigan ang dating Rector-President na si Rev. Fr. Bernardo Ma. Perez, OSB noong 1970’s, kung saan binuksan niya ang Unibersidad para sa mga nakiisa sa mga mamamayang pilit ibinagsak ang diktadurang Marcos Sr., ang huling panahon kung kailan malinaw ang tindig ng inang pamantasan, hindi naging hadlang, kundi naging kanlungan ng pakikibaka.

Bilang isang institusyong nakatindig mismo sa pagitan ng mga lumalaban at kinakalaban, hindi na lamang ito katahimikan kundi pagpapairal na rin ng kawalan ng pansin sa sigaw ng mga tao at ang yabag ng mga puwersa na pumapawi rito. Ang pagiging tahimik sa panahon ng inhustisya ay hindi neutralidad, ito ay pakikipagsabwatan sa katiwalian.

Aakalain ng isa na, sa rami-raming gantimpala na kanyang hinahakot sa atletiko, ito’y nasasabayan ng katibayan ng prinsipyo, ngunit ang pinapakita lamang ng kanyang pamamahala ay ang tagubilin na hilaw sa kawalan ng paninindigan.

Sa kasalukuyan na ang ibang paaralan ay patuloy sa mga walk-out bilang pag-protesta, at sa tayo’y walang pagkilos, na walang makakapitan, nawawalan na ng halaga ang pagturing sa sarili bilang Bedista, kundi naging kahihiyan na rin ito.

Maaari man na ang institusyon ay pinangangalagaan lamang ang kanyang imahe, na siyang hindi maging sangkot sa naganap na “gulo.” Ngunit walang halaga ang reputasyon kung wala itong sustansya, at walang sustansya ang mga simbolismo, awit at identidad kung hindi ito tumutugma sa gawa.

Hindi ito paghatol sa institusyon, at hindi rin niya nais na ikahiya ang pagiging Bedista. Ngunit sa kasalukuyan na ang pamahalaan ay kinalimutan ang kanyang karangalan, nagiging responsibilidad na ng estudyante bilang mga Pilipino ang pagtayo ng pangalan bilang tagapagtanggol ng nangangailangan at inaapi.

Nawa’y makita ang isang kabalintunaan sa walang katotohanan na may sinuman ang may kapangyarihang magpasyang lumiban sa pagkilos, sapagkat ang pagliban, sa sarili nitong katangian, ay isang kilos ng pag-ayon sa sistemang mapang-api’t malupit. Ang kawalan ng kibo ay abuloy sa problema ng taumbayan na sinusupil at binubuwag.

RELATED


Discover more from The Bedan

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading