HANGGA’T PATULOY NA umiiral ang katiwalian sa pamahalaan, at ang sistema ay pabor lamang sa interes ng mga nasa itaas, ang galit ay mananatiling naglalagablab, dala ang panawagan ng hustisya sa bawat pagdanak ng dugo at pagbugso ng luha ng mamamayang Pilipino.
Bilang pakikiisa sa laban kontra korapsyon, nagtipon ang libu-libong Pilipino sa magkahiwalay na kilos-protesta sa Luneta Park at EDSA Shrine noong ika-21 ng Setyembre, bitbit ang mga panawagan na pagpapanagot ng mga opisyal na sangkot sa maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Wala pa ring inaaresto na politiko na sangkot sa maanomalyang flood control projects, habang ang lehitimong hinaing ng masa ay ipinagkakait ang bisa at itinuturing lamang na kriminal na dapat supilin at patahimikin“
Sa parehong araw, imbes na mapayapang panawagan, ingay ng mga water cannon at ulos ng tear gas ang umalingawngaw sa Mendiola matapos magkasagupaan ang ilang naka-itim na indibidwal at mga puwersa ng estado. Mahigit dalawang libong indibidwal, kasama na ang mga menor de edad, ang arbitraryong inaresto ng PNP.
Pinilit itong ibaon sa limot. Nanahimik ang mainstream media sa tunay at makatotohanang pag-uulat hinggil sa arbitraryong pag-aresto at ang hindi kanais-nais na pinsala na taliwas sa mga pangyayari sa Luneta at EDSA.
Marahil, madaling kalimutan at isantabi ang mga pangyayari sa Mendiola—madaling iwaksi ang kaguluhan bilang isang “isolated incident.” Tutal, napakadali ring tawagin ni Interior Secretary Jonvic Remulla at ng administrasyon na mga geng geng at kriminal ang mga itinuturong nagpasimula ng “hindi kinakailangang karahasan.”
Subalit, ang pagkilala sa mga sangkot at walang habas na inaresto bilang geng geng, kriminal, at masamang-loob ay isang pagbabalewala sa makatwirang galit at karanasan ng mga taong nawalan ng kinabukasan dulot ng patuloy na katiwalian sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr.
Sa kabila nito, wala pa ring inaaresto na politiko na sangkot sa maanomalyang flood control projects, habang ang lehitimong hinaing ng masa ay ipinagkakait ang bisa at itinuturing lamang na kriminal na dapat supilin at patahimikin.
Hindi lamang ito simpleng isyu ng pakikibaka. Bagama’t hindi likas sa atin ang ganitong antas ng agresyon, ang mariing na pagkondena sa galit at pagkadismaya ng mamamayan sa sistemang patuloy na nagpapahirap at nang-aapi ay paraan ng estado upang ipilit ang naratibo na bulag na pagsunod ang magsisilbing paraan upang makamit ilusyon ng kapayapaan.
Totoo na kung hindi ka pa galit, bakit? Ang galit at pagkadismaya ay isang tanda ng pagtatakwil ng masa sa ilang dekadang kahirapan at kawalang-kapangyarihan ng institusyon na mismo ring tinakwil ang tiwala ng masa dahil sa sistematikong katiwalian—na ngayon ay mas maliwanag na sa isyu ng flood control projects.
Hindi titigil ang sigaw ng masa hangga’t hindi kinikilala at pinaparusahan ang mga tiwali sa gobyerno. Habang ang ordinaryong Pilipino ay nalulunod, hindi sa baha kundi sa hirap ng pang-araw-araw na pamumuhay, patuloy ang pag-igting at pagbuntod ng galit ng mamamayan.
Ang hamon, samakatuwid, ay kung paano maihahatid ang galit ng mamamayan tungo sa makabuluhang pagbabago at adbokasiya. Hindi sapat ang galit—dapat itong magtulak sa pag organisa at konkretong aksyon.
Ang kilos ng mamamayan ay dapat magsilbing paraan upang humingi ng pananagutan mula sa mga estadong korap at ipaglaban ang karapatan ng nakararami; tungo sa isang bansang handang isapuso sa tinig ng lansangan.
Email me at thebedan_editorinchief@sanbeda.edu.ph

