“’DI NIYO BA naririnig? Tinig ng bayan na galit, Himig ito ng Pilipinong ‘di muli palulupig.” Hango sa isinaling bersyon ng patok na dulang Les Miserables, ang awit na ito ay tila isang paglilining sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa inaasam nating kalayaan. Ang mga lirikong ito ay nagbibigay inspirasyon sa mga Pilipino na muling magkaroon ng pag-asa at yakapin ang isang mas maliwanag na kinabukasan, na sumisimbolo sa isang lipunang malaya mula sa mapang-aping nakaraan.
Sa paggunita natin sa ika-38 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, halina’t balikan ang mga kaganapang nagbigay-daan upang manumbalik ang kapayapaan at demokrasya sa bansa.
Ang Kontrobersiyal na Snap Elections
Ang snap presidential elections noong 1986 ay nagdulot ng malalimang kontrobersiya sa bilangan at proklamasyon ng tunay na nagwaging pangulo sa pagitan ni noo’y Pangulo at diktador na si Ferdinand Marcos Sr. at ang byuda ng kanyang pinakamalupit na kritiko na si Corazon Aquino. Ipinatawag sa bisa ng awtoridad ni Marcos, ang gulo sa snap elections ay nag-ugat ang maraming isyu na umani ng malawakang pagtutol at pangangalampag mula sa oposisyon at mga mamamayan.
Una, lumitaw ang mga ulat ng malawakang pandaraya at mga iregularidad sa halalan. Ang National Movement for Free Elections (NAMFREL) at iba pang independent na tagamasid ay nagbigay-diin sa hindi kapani-paniwala na bilang ng mga bumoto at iba’t ibang uri ng dayaan, tulad ng vote-buying at coercion. Ang pangangalakalang ito ay nagdulot ng pangamba na maaaring mawalan ng kredibilidad ang resulta ng halalan.

Mahigit 400,000 boluntir ng NAMFREL ang hinikayat upang tutukan ang halalan at nang sa gayon ay maiwasan ang pandaraya mula sa kampo ni Marcos. Bilang tugon, naglabas rin ang himpilan ng Radio Veritas ng pakiusap sa ibang boluntir na pigilan ang mga pagnanakaw at pakikialam sa mga selyadong balota.
Sa gitna ng pangamba at protesta mula sa oposisyon at mamamayan, inihayag ni Marcos ang kanyang sarili bilang nagwaging pangulo noong Pebrero 15, 1986. Subalit, agad itong kinondena ng mga kritiko bunsod umano ng malinaw na pandaraya sa bilangan at pang-aabuso sa kapangyarihan. Binatikos din ang mabilisang proklamasyon na labag sa prinsipyo ng malinis at tapat na halalan.
Pagtatangka ng isang kudeta
Sa pagsapit ng umaga ng Pebrero 22, isang araw bago tuluyang mag-umpisa ang EDSA People Power Revolution, tinangkang patalsikin ni Defense Minister Juan Ponce Enrile at Colonel Gringo Honasan si Marcos sa pamamagitan ng isang kudeta.

Bagama’t kumilos sila ng pasikreto, natuklasan ng mga opisyal ni Marcos ang panukala ng dalawa. Agad namang inaksyunan ng AFP Chief of Staff na si Heneral Fabian Ver ang mga pangyayari na nagsilbing hadlang sa plano nilang magtayo ng isang military junta.
Sa likod ng mainit na tensyon, humingi ng tulong at suporta si Enrile sa noo’y AFP Vice Chief of Staff na si Hen. Fidel Ramos. Kalaunan, dinala nina Enrile at Honasan ang kanilang layunin sa Kampo Aguinaldo kung saan ipinaalam nila sa publiko ang kanilang pagkalas sa diktadurang Marcos.
Mobilisasyon ng Masa
Sa parehong araw, naglabas muli ang Arsobispo ng Maynila na si Jaime Cardinal Sin ng isang brodkast mula sa himpilan ng Radio Veritas na hikayatin ang masa na bigyang suporta sina Enrile at Ramos.
Gayunpaman, sa kabila ng panawagan ni Cardinal Sin na tulungan sina Enrile at Ramos na hindi gaanong nakatanggap ng pansin, nakuha rin nila kalaunan ang suporta ng publiko, na humantong sa mga demonstrasyon sa lansangan kung saan sila’y nagpahayag ng kanilang mga hinaing laban sa rehimeng Marcos.
Sa pagsapit ng hatinggabi noong Pebrero 23, libu-libong tao na ang nagsimulang mag-martsa mula Cubao hanggang sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA). Ang bilang na iyon ay lalo lamang dumoble patungong 20,000.

Noong Pebrero 24, patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga Pilipino na nagsilbing simbolo ng katatagan ng masa upang maipagtanggol ang karapatan ng tao sa pamamagitan ng pagbuwag sa diktadura ng rehimeng Marcos.
Tumangging umatras ang mga nagprotesta sa kabila ng matinding pananakot mula sa naghaharing administrasyon. Kahit sa presensya ng mga armored tanks at sundalo na inihanda para sugpuin ang mga Pilipino, ito ay nakita bilang isang pagpapakita ng kilalang Plipinong katangian ng mabuting pakikitungo.
Binigyan ng pagkain ang mga sundalo, nagdasal at nag-novena. Ito ay isa lamang sa mga pamamaraan na ginamit ng mga Pilipino upang itaguyod ang mapayapang pagtutol. Sa ganitong kadahilanan, nakumbinsi ng tao ang mga sundalo na talikuran ang diktadurya upang makiisa sa nagaganap na rebolusyon.
Pagpapabagsak sa Diktadura
Kinaumagahan ng Pebrero 25, inihinanda ng taumbayan ang Club Filipino sa San Juan para sa panunumpa kay Corazon Aquino bilang umano’y mas makatarungang nagwagi sa snap elections. Sinalubong naman ng pagkanta ng awit na “Bayan Ko,” kasama sina Enrile at Ramos, ang panunumpa ni Aquino bilang presidente. Nagdaos din si Marcos ng kanyang sariling inagurasyon sa Malacañang ngunit kinansela ang live coverage rito.

Kalaunan, matapos ang naging negosasyon ng pagitan ng pamilyang Marcos sa Estados Unidos para sa suporta nito, umugong ang mga balita tungkol sa kanilang pag-alis sa Malacañang, tanda ng pagtatapos ng dalawang dekadang paghahari ng isang malupit na diktador.
Sa kabila ng mga personalidad at mga politiko na lumahok sa isa sa pinakamahalagang tatlong araw sa kasaysayan ng bansa, nararapat lamang sabihin na ang pagkapanalo na ito ay para sa sambayang Pilipino–kung hindi dahil sa kanilang katapangan sa harap ng madilim na panahon, hindi maisasakatuparan itong mobilisasyon.
Ilang taon na ang nakalipas matapos ang EDSA People Power Revolution ngunit patuloy pa ring inaalala ng mga Pilipino ang mga mga sakripisyong kanilang dinanas. Ang komemorasyon sa mapayapaang pag-aalsa ay nagsisilbing paalala ng pagpapanumbalik ng demokrasya at kalayaan, isang mekanismo na dapat isipin sa mabuting pag-usisa sa ngayong kalagayan ng bansa.
“At mga pusong nagtimpi ay magliliyab!”
(with Thirdy Pabilico)

