NOONG IBINABALANGKAS NG mga komisyoner ng Philippine Constitutional Commission of 1986 ang Saligang Batas ng 1987, naging pangunahing konsiderasyon nila na maibalik ang kapangyarihan sa taumbayan. Matapos ang dalawang dekada ng kawalang katarungan at laganap na kultura ng impunidad sa ilalim ng rehimeng Marcos, ang pagkakamit ng pagkakaisa at hustisyang panlipunan ang naging silinyador ng mga tagapagbalangkas. 

Ngunit matapos ang mahigit tatlumpu’t pitong taon, ang bulok na sistemang padrino at palakasan, pati ang laganap na korapsyon sa bawat sulok ng burukrasyang pampamahalaan at ang patuloy na pagpapalakas sa mga dinastiyang politikal, sentro pa rin ito sa diskurso ng lipunang Pilipino. Hindi maipagkakaila na ang mga pangarap at pag-asang pinanghawakan natin matapos ang pagpapabagsak sa diktadurang Marcos ay unti-unting nang naglalaho sa kaisipan ng napakarami nating kababayan. Marahil ito na ang naging sanhi ng muling pagbabalik ng pamilyang Marcos sa poder noong 2022. 

Katuwang si Sara Duterte-Carpio bilang Pangalawang Pangulo, itinuon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang unang taon sa pagpapabango ng pangalan ng kanyang pamilya sa pamamagitan ng muling pakikipagdayalogo sa mga komunistang rebelde, pagsusulong sa 2016 arbitral ruling ukol sa West Philippine Sea, at ang pagtalikod sa madugong giyera kontra iligal na droga ng nakaraang pamahalaan. Taliwas ang lahat ng ito sa kanyang naging retorika noong halalan, kung saan ipinagdiinan ni Marcos Jr. ang kanyang pagtalima sa mga naging polisya nang noo’y si Pangulong Rodrigo Duterte. 

Bagamat kinikilala na ngayon ng liberal na oposisyon ang unti-unting panunumbalik ng sigla ng demokrasya sa ilalim ni Marcos Jr., mayroong maituturing na isang malaking dagok sa kanyang pagsusumikap na makumbinsi ang kanyang mga kritiko. Ito ang pagkilos ng Mababang Kapulungan, na siyang pinamumunuan ng kanyang pinsan na si Ispiker Martin Romualdez, na repasuhin umano ang mga “probisyong pang-ekonomiko” ng Saligang Batas. Kasabay ng pagsusulong nina Romualdez sa pag-aamyenda sa Saligang Batas ay ang pangangalap naman ng mga personalidad na konektado sa kanya ng mga pirma sa iba’t ibang mga distrito ng bansa para sa paggamit sa People’s Initiative bilang paraan ng pagrerepaso ng Konstitusyon. 

Mariin namang kinondena ng mga kasapi ng Senado ang umano’y mga “baluktot” na pamamaraan ng Kamara upang maisakatuparang ang pag-aamyenda sa Saligang Batas. Bagamat naghain din siya ng resolusyon upang pasinayaan ang proseso ng pagrerepaso sa Konstitusyon, binatikos ni Senador Juan Miguel Zubiri, ang Pangulo ng Senado, ang umano’y pagtatangka ng Kamara na pahinain ang kapangyarihan ng Mataas na Kapulungan kapag nagpulong na ang isang constituent assembly

Sa mga panahong tulad nito, kung saan tila ba nasa isang sangangdaan ang ating bayan, matandaan sana natin ang mga aral ng Batas Militar. Isang Marcos din ang nasa poder nang unti-unting naglaho ang kalayaan sa bansa. Huwag sana nating hahayaan na magamit ang mga lehitimong pamamaraan ng pag-amyenda sa Saligang Batas upang mas lalo pang pahinain ang lakas at diwa ng ating demokrasya. 

Ang ating pagiging mapanuri, mapanagot, at maalam sa mga isyung panlipunan ay mahahalaga sa pagprotekta ng ating demokrasya mula sa anumang pwersa na maaaring magtaguyod ng kanilang mga pansariling interes. Ito ang panhon para magsama-sama tayo upang ipagtanggol ang mga prinsipyong nagtataglay ng diwa ng ating bayan. 

RELATED


Discover more from The Bedan

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading