SA LIPUNANG SANAY na ang kababaihan ay maging mahinhin at tikom ang bibig, ang babaeng marunong umalma ay madaling bansagang suwail. Ngunit kung ang pagsasalita at paglaban ang kapalit ng pagtalikod sa hulma ng Maria Clara, bakit pa tayo matatakot maging kabaligtaran niya?

Hindi naman na bago sa kasaysayan ang mga babaeng matapang na lumihis sa landas na itinakda para sa kanila. Sa halip na manatili sa gilid, pinili nilang humakbang pasulong—sumabak sa digmaan, manguna sa kilusan, magsalita laban sa pang-aapi, at igiit ang kanilang karapatan kahit kapalit nito ang pagbatikos ng lipunan.

Nariyan na si Gabriela Silang, na matapos ang pagkamatay ng asawang si Diego Silang ay hindi umurong sa laban. Nariyan din sina Melchora Aquino at Gregoria de Jesus, mga babaeng hindi lamang naging saksi sa himagsikan kundi aktibong naging bahagi nito. Hindi sila tahimik na mga tauhang naghihintay na iligtas; sila mismo ang kumilos nang may buong lakas.

Gayunpaman, sa paglipas ng panahon, tila mas madali pa ring ikahon ang kababaihan sa isang pamilyar na hulma: mahinhin, mahinahon, mapagpasensya, at higit sa lahat, hindi sumasalungat. 

Hindi ba madaya? Kapag lalaki ang matapang magsalita, tinatawag siyang lider. Kapag babae, matigas ang ulo. Kapag lalaki ang palaban, may paninindigan. Kapag babae, maarte. Kapag lalaki ang galit, ipinaglalaban niya lamang ang kaniyang prinsipyo. Kapag babae, masyadong emosyonal. 

Tila kahit anong gawin ng babae ay may katapat na puna. Masyadong tahimik. Masyadong maingay. Masyadong palaban. Masyadong malambot. Masyadong makasarili. Masyadong mapusok.

At kung tutuusin nga, parang mas kailangan natin ngayon ang mga babaeng hindi natatakot maging “masyadong” anuman. Sapagkat kung may itinuro man sa atin ang kasaysayan, ito ay na hindi lamang sa katahimikan nasusukat ang ambag ng kababaihan dahil may mga panahong kinakailangan ang pag-alsa, pagsasalita, pagtutol, at pagkilos mula sa kanila.

Sino ba ang nagtakda kung ano dapat ang isang babae? Marahil, panahon nang aminin nating hindi kailangang maging ehemplo ni Maria Clara ang bawat Pilipina.

Hindi ko naman sinasabing masama ang pagiging mahinhin dahil una sa lahat, hindi mali ang pagiging tahimik, kung iyon ang tunay na pinipili ng isang babae. Nagiging problema lamang ito kapag ang katahimikan ay hindi na personal na pagpili kundi kondisyon para pumasok sa batayan ng lipunan.

  Kaya sa bawat babaeng minsang sinabihang “masyado kang maingay,” sana ay hindi niya isipin na kailangan niyang manahimik. Sa bawat babaeng tinawag na suwail dahil tumangging sumunod, sana ay maalala niyang hindi kasalanan ang magtanong kung bakit.

Kung ang katahimikan ang sukatan ng pagiging “mabuting babae,” panahon nang basagin ang pamantayang matagal nang humuhubog sa ating pagkatao. Sapagkat ang babaeng marunong magsalita ay hindi suwail, at ang babaeng marunong lumaban ay hindi kailangang magpaalipin sa takot. Kaya magsalita, umalma, lumaban—mabuhay ang kababaihang hindi nagpapakulong sa hulma ni Maria Clara.

RELATED


Discover more from The Bedan

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading