HABANG PATULOY NA nagbabagong-anyo ang iba’t ibang lungsod upang higit na paboran ang mga nakakaangat sa lipunan, pataas nang pataas ang mga gusali, at lalong nagiging eksklusibo ang mga espasyo. Sa kabilang palad, tila nananatiling nakaugat sa masa ang Cubao—isang lugar na, sa kabila ng pagbabago ng paligid, ay patuloy na bukas at buhay para sa karaniwang Pilipino.

Siguro ay hindi na mabilang ang mga dyip, bus, tren, at kung ano pang pampublikong sakayan ang nakikita na may nakasulat na “Cubao.” Sa bawat rutang tinatahak, saan mang bahagi ng Metro Manila manggaling, tila paulit-ulit na sumasalubong ang limang titik na ito sa dulo ng karatula. Kaya marahil ay napapaisip kayo: tunay nga ba na all roads lead to Cubao?

Kung saan may lugar ang lahat

Sa Cubao nagsikalatan ang mga ukayan, tindahan, karinderya, bangketa, at sari-saring hanapbuhay na patuloy na nagbibigay-buhay sa lugar. Sa pagitan ng matataas na gusali at malalaking establisimyento, nananatili ang mga espasyong abot-kaya at bukas para sa mga taong araw-araw na naghahanapbuhay at naghahanap ng kanilang pangangailangan. 

Dito, hindi kailangang malaki ang laman ng bulsa upang magkaroon ng puwang, sapagkat ang Cubao ay matagal nang tahanan ng mga taong ang kabuhayan ay nakasandig sa kalsada.

Sa bawat sulok ay may sariling mundong gumagalaw: mga tinderang abala sa pag-aayos ng paninda, drayber na naghihintay ng susunod na pasahero, manggagawang naghahanap ng mabilis at murang pagkain, at estudyanteng nagbibilang ng baryang sapat lamang para sa pamasahe. Nagkikita-kita rito ang iba’t ibang uri ng tao, wika, kuwento, at kabuhayan, ngunit tila walang sinuman ang kailangang humingi ng permiso upang makibahagi sa espasyo. 

Sa ganitong paraan, ang Cubao ay hindi lamang lugar na dinadaanan, kundi isang buhay na larawan ng masa.

Sa dulo ng karatula

Hindi lamang basta ruta ang mga pampublikong sasakyan patungong Cubao; bawat isa ay may dalang sari-saring taong may kanya-kanyang dahilan ng paglalakbay. 

Sa loob ng isang dyip ay maaaring magkatabi ang estudyanteng pinagkakasya ang allowance para sa linggo, manggagawang ilang minuto na lamang bago ang oras ng pasok, at pasaherong may bitbit na mga bayong mula sa pamimili. Sa bawat paghinto at muling pag-andar, patuloy na nagbabago ang mga mukhang sumasakay at bumababa, ngunit nananatiling pamilyar ang destinasyong nakasulat sa harapan.

Para naman sa mga drayber at konduktor na araw-araw na bumibiyahe, ang mga rutang ito ay higit pa sa daan patungo sa isang lugar. Dito umiikot ang kanilang oras, pagod, at kabuhayan—paulit-ulit na tinatahak ang parehong kalsada upang maihatid ang mga pasahero sa kanilang sariling mga destinasyon. 

Sa kabilang banda, para sa mga komyuter, ang isang sakay ay maaaring sandaling pahinga, habulan sa oras, o pagkakataong makipagsabayan sa walang tigil na takbo ng lungsod.

Sa dami ng taong dumaraan dito araw-araw, ang mga sakayan ang nagsisilbing mahalagang bahagi ng buhay ng Cubao—patuloy na dumadaloy, naghahatid, at nagbabalik ng mga tao sa iba’t ibang sulok ng Metro Manila. Bawat bus na umaalis, dyip na humihinto, at tren na dumarating ay may kasamang kuwentong hindi laging napapansin sa gitna ng pagmamadali. Ngunit kapag pinagsama-sama ang mga kuwentong ito, makikita kung paano unti-unting nabubuo ang Cubao na kilala ng masa.

Marahil dito nagmumula ang pagiging pamilyar ng Cubao sa kamalayan ng masa: hindi nito kailangang maging destinasyon ng lahat upang maging bahagi ng buhay ng lahat. Sapat nang minsan itong daanan, sakayan, hintayan, o gawing palatandaan upang maging pamilyar ang pangalan nito. Sa bawat “Cubao po,” o “Sa Cubao ako bababa,” patuloy na nabubuhay ang isang lugar na matagal nang kasama sa paglalakbay ng mga Pilipino.

Sapagkat sa Cubao, hindi lamang mga kalsada ang nagtatagpo kundi pati ang mga taong may magkakaibang kuwento. Habang tumataas ang mga gusali at nagiging mas eksklusibo ang ilang bahagi ng lungsod, nananatiling buhay ang mga lansangan kung saan ang masa ay naghahanapbuhay, bumabyahe, at umuuwi—isang pamilyar na ritmo hangga’t may Pilipinong kailangang kumilos para mabuhay.

RELATED


Discover more from The Bedan

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading