MAY ISANG URI ng katahimikan na sumusunod sa atin matapos mawala ang isang taong inakala nating palagi nating makakasama. Nakikita ito sa sandaling kusang umaabot ang kamay natin sa telepono, bago tayo biglang mapatigil sa katotohanang wala na pala tayong matatawagan. Naroon sa tuwing may nakikita tayong nakakatawa at naiisip agad kung gaano rin siya matatawa sa bagay na ‘yun, bago maalala na wala na tayong mapagsesendan. Naroon din sa pagdaan sa mga lugar na pamilyar sa atin, na para bang may hinihintay pa rin silang taong hindi na muling darating.

Kakaiba ang pagdadalamhati dahil hindi humihinto ang mundo para rito. Tuloy ang klase. May mga deadline pa ring kailangang habulin. May mga taong nagtatawanan sa mga hallway. Patuloy ang mga usapan na para bang walang nagbago. Samantala, ang isang taong minsang napakalaking bahagi ng buhay natin ay bigla na lamang nagiging alaala—kasama rito ang mga tanong na maaaring hindi na kailanman masasagot.

Marahil, wala nang mas mahirap pa kaysa sa tanungin ang sarili kung ano sana ang napansin mo. Kung may senyales ka bang hindi nakita. O kaya sa kaniyang huling paanyaya na makipagkita na binalewala mo, nang hindi mo alam na iyon na pala ang huling pagkakataon.

Isang hindi nasagutang tawag. Isang kaibigang biglang lumayo. Isang taong unti-unting hindi na pumapasok o sumasama. Isang taong tila mas pagod, mas tahimik, mas magulo, o mas nawawalan ng gana. Sa mga sandaling iyon, madali silang husgahan nang hindi natin namamalayan na ang mga pagbabagong iyon ay maaaring isa na palang paghingi ng tulong. Sila ay nababansagang tamad, irresponsable, mailap, o mahirap pakisamahan. Ngunit bihira nating itanong kung ano ang mayroon sa likod ng mga katawagang iyon.

Itinuturo sa atin ng pagkawala na hindi lahat ng pakikibaka ay mukhang kalungkutan. Maaaring tumawa ang isang tao kahit may dinadala siyang sakit. Ang katahimikan ay maaaring mangahulugan ng napakaraming bagay. At kung minsan, ang mga taong mahal natin ay may mga laban na hindi nila alam kung paano isasalin sa mga salita.

Ang buwan ng Setyembre ay Suicide Prevention Awareness Month, isang pagkakataon upang pag-usapan ang mga bagay na ito. Ngunit marahil, higit sa lahat, dapat nitong ipaalala sa atin na hindi natatapos ang pag-aalala sa kalusugang pangkaisipan kapag natapos ang isang buwan. Hindi dapat hanggang poster, campaign, at maingat na social media post lamang ang awareness. Dapat itong makita sa paraan ng pakikinig natin, sa paraan ng pagtugon natin, at sa kahandaang tingnan ang isang tao nang higit pa sa unang konklusyon na nabuo natin tungkol sa kanya.

Dahil hindi naman kailangan ng compassion na alam natin nang eksakto ang pinagdaraanan ng isang tao. Minsan, sapat nang hindi tayo agad magpasya na alam na natin.

Para sa mga taong nawala sa atin, mananatili ang mga salitang sana ay nasabi natin, ang mga tanong na sana ay naitanong natin, at ang mga sandaling sana ay maibabalik pa natin. Ngunit hindi na kayang baguhin ng pagdadalamhati ang nangyari. Ang maaari nating baguhin ay kung ano ang gagawin natin sa alaala na iniwan nila.

Maaari tayong makinig nang mas matagal. Maaari tayong magtanong muli. Maaari tayong magbigay ng espasyo para maging tapat ang isang tao. Maaari nating ipaalala sa mga taong nasa paligid natin na hindi nila kailangang maipaliwanag nang perpekto ang kanilang dinadala bago sila karapat-dapat pakinggan.

Sa mga taong nawala sa atin, dala natin ang bigat ng kanilang pagkawala. Sa mga taong nananatili, utang natin ang ating atensyon.

Kapag natapos ang Suicide Prevention Awareness Month at unti-unting mawala ang mga hashtags at ang mga posts, mananatili ang mga taong nawala sa atin sa ating mga alaala. Mananatili rin dito ang mga taong patuloy na lumalaban.
Sana matutunan nating mapansin sila habang may pagkakataon pa. Sapagkat may mga taong hindi na natin matatawagan. At may mga taong maaari pa nating tawagan ngayon.

RELATED


Discover more from The Bedan

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading