PATULOY ANG MAIGTING na pakikibaka ng mga jeepney drivers at operators laban sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na isinusulong ng gobyerno. Nangangako itong maghahatid ng ginhawa at pagbabago sa pampublikong transportasyon ng mga Pilipino.  

Bilang paghahanda sa ika-30 ng Abril, ang itinakdang deadline ng pagtalima sa mandatory franchise consolidation alinsunod sa programa na ito, muli nating pakinggan ang boses ng mga Pilipinong nananawagan sa administrasyong Marcos, sila ang mga taong lumalaban para sa kanilang karapatan at kabuhayan. 

Ano ang PUVMP? 

Ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ay ang tugon ng pamahalaan sa mga lumalalang problema at pangangailangang transportasyon ng bansa.  

Noong ika-19 ng Hunyo, taong 2017, inilathala ng Department of Transportation (DOTr) ang Department Order No. 2017-011, na kilala rin bilang “Omnibus Guidelines on the Planning and Identification of Public Road Transportation Services and Franchise Issuance or the Omnibus Franchising Guidelines (OFG),” na naglunsad ng PUVMP. 

Layunin ng programang ito na tuluyang baguhin ang sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa at gawing mas marangal, makatao, at naaayon sa pandaigdigang pamantayan. 

Bukod dito, layunin din ng programa na bigyan ng komportableng buhay ang lahat ng Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas ligtas, mas epektibo, mas maaasahan, mas komportable, at makakalikasang sistema ng transportasyon sa bansa. 

Epekto sa Mamamayan at Bakit may Pagtutol 

#NoToJeepneyPhaseOut nga ang sigaw ng napakaraming ordinaryong mamamayang Pilipino na patuloy na nakikibaka kasama ng mga tsuper at mga operator ng jeepney na nagpoprotesta laban sa PUVMP. Marahil may mga kritikong inaakala na ang problema lamang dito ay ang kamahalan ng mas-modernong jeepneys. Subalit, ang isyung ito ay hindi lamang isang simpleng usaping pang-ekonomiya. May mas malalim itong dahilan.  

Sa isang panayam, ibinahagi ni Ka Mody Floranda, ang kasalukuyang National President ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), ang mga saloobin at pangamba ng mga driver at operator. 

Ka Mody | Photo by Thirdy Pabilico

“Ang ayaw natin sa programa ng PUVMP ay yung pag-monopolyo sa serbisyo o pag-monopolyo sa public transport sapagkat, sa ilalim ng programang ito, ay inoobliga kami na pumasok sa corporation or magbuo kami ng kooperatiba. Sa ganitong andana, nakita namin na hindi kakayanin ng mga operator, lalo na sa ngayon, halos nagkakahalaga ‘yan ng Php 2.8 million hanggang Php 3.3 million,” ayon kay Ka Mody. 

Idinagdag din niya ang kawalan ng kakayahan ng mga kooperatiba at maliit na korporasyon na matugunan ang hinihiling na gastusin upang makilahok sa programa ng modernisasyon, na pumapalo sa halos 40 million ang halaga. 

Hindi maikakaila na sa likod ng kanilang mga manibela ay ang mga pangarap at kabuhayan ng maraming pamilya na umaasa sa jeepney para sa kanilang ikinabubuhay.  

Kinapanayam ng The Bedan ang ilang mga bahagi sa sektor na ito upang makuha ang kanilang pananaw. Isa rito si Joel Giray, isang jeepney driver na bagamat hindi kasapi ng mga unyon at mayroon nang consolidated na prangkisa, ay kaisa pa rin sa laban ng kanyang kapwa jeepney drivers. Aniya, “Wala kang magagawa, kaysa naman hindi mo mapakinabangan, kaysa hindi ka kumita. Kasi, payag naman kaming mag-consolidate, basta sa amin pa rin ‘yung yunit. Payag kami doon sa mga lokal, pero huwag lang ‘yung parang mini-bus. Walang piyesa nun dito, paano kung masira iyon, order pa kami sa China? Napakamahal!” 

Joel Giray | Photo by Thirdy Pabilico

Nang amin namang nakausap ang 52 na taon ng namamasada na si Rodante Talavera, na tila’y pangungulila na lamang ang nadama noong wala siyang mabanggit kundi ang kinabukasan ng kanyang pamilya. “Basta sabi, tatanggalin daw hanggang sa ika-trenta [sic] na lang ng Abril. Huhulihin na lahat. Wala na kaming ikinabubuhay. Ang pamilya ko, ako, wala na. Wala na akong mapa-paaral sa kanila. Mahirap.”  

Rodante Talavera | Photo by Thirdy Pabilico

Isang matibay na saloobin naman ang inilahad ni Roderick Dacutanan, mahigit 13 taon na miyembro ng samahang MANIBELA, nang sinabi niya, “Mabuti naman yung modernization kaso huwag lang papalitan yung sinasabi nilang gawa China. May local naman tayo na manufacturers e. Kami, papayag kami kung papalitan ng Pinoy rin ang may gawa pero kung papalitan ng China, hindi. Hindi kami sasali diyan.” 

Dagdag pa niya, “Sabi magfe-phaseout, hindi na makakabiyahe. Paano iyon, sino magpapa-aral sa mga anak namin kung ganoon ang gagawin nila. Sabi naman ni BBM nung tumakbo siya, ok. Pero ngayon, nag-iba na.”  

Kaagapay nila ang miyembro ng PISTON na si Rommel Valdez na inilarawan naman sa masalimuot na realidad ng mga epekto ng programang ito, “Halimbawa po, ‘eto jeep ko diba po? Pwede ko dalhin kahit saan, kasi akin. Hindi po kagaya nung pumasok kami sa kooperatiba, hawak na kami sa leeg. Ngayon, regardless sa income, hindi makagalaw o makakain dahil may oras at may quota na kaming hinahabol. Higit sa lahat, hindi na sila naawa sa mga namamalengke, yung may mga dalang isda, tumutulo, sa amin okay lang, kasi naging tradisyonal itong jeep natin, pero sa modern na may aircon, panigurado tataas pa ang minimum na pamasahe. Apektado pa kayong mga estudyante.”  

Rommel Valdez | Photo by Thirdy Pabilico

Panawagan para sa aksyon 

Sa bawat pagtunog ng kanilang mga busina, ipinakikita ng mga tsuper at operator na hindi lamang ang kanilang kapakanan ang kanilang ipinaglalaban kundi pati na rin ang boses ng mga mamamayan na umaasa sa kanilang serbisyo.  

Sa laban na ito, isinalaysay ni Ka Mody ang mga pangunahing hakbang na dapat tugunan ng gobyerno – ang pagbibigay pansin sa lokal na industriya na siyang lumilikha ng ating pampublikong transportasyon. Partikular, ang tungkulin na ito ay upang makamit ang national industrialization o ang pagkakaroon ng sariling sistema ng transportasyon na manggagaling mismo sa sariling atin.  

Alinsunod sa reporma nilang isinusulong, iminungkahi rin ni Ka Mody na, “…kung [national industrialization] ang kanilang dapat bigyang-pansin ay ang pagpapalago at pagpapanatili ng kabuhayan ng mga operator at mga driver, at kapag nagluwal ito ng trabaho, magbibigay-daan ito sa pag-angat ng ating ekonomiya.”  

Sa pananaw naman ng ating mga tsuper, iisa lamang ang gusto nilang sagot sa gobyerno, unahin ang kanilang mga pangangailangan. Ito ay walang iba kundi ang matinding paskikipasglabani sa kanilang pang-araw araw na karanasan at kahirapan mula sa panloob na mga operasyon hanggang sa mismong daloy ng kanilang mga pasada bago magpatupad ang pamahalaan ng palatuntunan, katulad ng PUVMP. 

Sa pamamagitan ng kanilang pagtutol, ipinapakita ng mga bayani ng ating kalsada na may mas malalim at mahalagang isyung nakabalot sa pagpapatupad ng PUVMP. Sa pambungad ng lahat ng mga protesta, iisa lamang ang binibigkas ng boses ng lansangan—ang laban ng tsuper ay laban din ng bayan! 

(kasama si Jake Evangelista) 

RELATED


Discover more from The Bedan

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading