HINDI KATANGGI-TANGGI na ang wikang Filipino, sa paglipas ng panahon, ay nahubog na upang maging angkop sa mga kasulukuyang nauusong termino. Kaakibat nito ang pag-angkop sa impluwensiya ng mga banyaga.
Kamakailan umusbong ang terminong “Filipinx,” na iminungkahi bilang pagkilala sa mga nais magpakilala bilang gender neutral o non-binary. Bagamat ito’y nagbibigay liwanag sa iba’t ibang isyung panlipunan, maaari pa rin nitong mabahiran ang tunay na diwa ng wikang Filipino; ang pagiging inklusibo, ano man ang kasarian.
Ugat at diskurso
Noong 2020, unang sumipol ang salitang “Filipinx” bilang alternatibo at gender neutral na termino para sa salitang “Filipino.” Ito ay may pagkakatulad sa terminong “Latinx” na may kawangis na pakay na mas pag-igihin ang pagiging gender neutral.
Sa opisyal na pagiging bahagi nito sa Dictionary.com, umani ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa madla. Sa isang banda, napuri ito bilang isang hakbang para sa mga Pilipino tungo sa mas progresibong pagkilala sa mga hindi gaanong kinikilalang sektor ng kasarian, dahil sa mga nakasanayang tradisyunal na talakayan hinggil dito.
Ngunit, sa kabilang dako naman, hindi maikaila na hindi na nawala ang bahid ng impluwensyang koloniyal sa usapang pagkakakakilanlan ng tunay na kulturang Pilipino.
Sa ating sariling wika, ang salitang “Filipino” ay hindi nakatali sa striktong binaryong kasarian; sa katunayan, ginagamit ito bilang pambansang katawagan na pantukoy sa lahat ng mamamayan ng Pilipinas. Ito rin ay ipinapatibay ng katunayang base sa ating Konstitusyon, na ang salitang “Filipino” ay ginagamit upang tukuyin ang sambayanan, hindi tumutukoy lamang sa iisang kasarian.
Mula sa mga dalubhasa
Ayon sa Komisyon ng Wikang Filipino (KWF), ang salitang “Filipinx” ay hindi katanggap-tanggap bilang bahagi ng opisyal na bokabularyo ng wikang Filipino, dahil lubusang gamit na ang terminong “Filipino.”
Dagdag na rito ang paliwanag ni Nanette Caspillo, dating propesor sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), sa kanyang panayaman sa VICE, na ang Filipinx ay hindi maaring maturing bilang salitang Filipino dahil ang panlaping “-x” ay hindi matatagpuan sa lokal na sistemang lingguwistika.
“Language is the human expression of man’s interior and exterior reality…Right now, most people in the Philippines do not seem to recognize, understand, relate to, or assert Filipinx as their identity. Therefore, “the word ‘Filipinx’ does not naturally evoke a meaning that reflects an entity in reality,” ani niya.
Gayunpaman, sa isang panayam sa pamamagitan ng ABS-CBN at KWF Komisyoner Arthur Casanova, hindi raw suliraning gamitin ito ng iilan, mas lalo na ng komunidad ng diaspora o ang pangkat ng mga Filipino-American na nakatira sa Amerika.
“Binago lamang ‘yong ‘o’ para sa male at ‘a’ para sa female at ginawang ‘x’ para wala nang dibisyon sa pagitan ng babae o lalaki… Okay lang po iyan dahil maaaring iyan ay identidad ng isang pangkat o maaaring umiiwas sila sa diskriminasyon,” paliwanag niya.
Diwa ng pagka-Pilipino
Walang kupas na ang ating wika ay sagisag na ng ating pagkakakilanlan, kaya naman ay iilan sa ating mga salita ay walang direktang pagsasalin sa wikang Inggles.
Ito ay naging repleksiyon ng ating mga namumukod-tanging kaugalian at diwa. Higit sa lahat, ito rin ay naging paraan upang magsulong ng pagkakaisa sambayanang Pilipino.
Habang mahaba pa ang maaari maging diskurso sa kung ano man ang nais matawag at magrepresenta sa mga Pilipino sa ilalim ng pandaigdigang pamantayan, hindi maipagkakaila na patuloy lamang nitong napapatibay ang hangarin ng mga Pilipino na protektahan ang tunay na pagkakakilanlan ng ating wika at kultura.
Hindi lamang ito limitado sa pang teknikal na aspekto, kundi pati na rin sa natural na katangian ng ating pagiging Pilipino maging inklusibo sa bawat isa, anuman ang kasarian o katayuan sa buhay.

