MGA PELIKULANG SUMASALAMIN sa lipunan, mula sa sistemang hindi makamasa, mga buhay na isinantabi, hanggang sa mga trahedyang hustisya pa rin ang pinaghuhugutan—sa ika-22 Cinemalaya Philippine Independent Film Festival (Cinemalaya), muling umangat sa malaking tabing ang mga sugat, tunggalian, at moralidad ng lipunang Pilipino—mga kuwentong hindi lamang pinapanood, kundi repleksyon din ng mundong ginagalawan.
Ang Cinemalaya ay itinatag ng Cinemalaya Foundation, Cultural Center of the Philippines (CCP), at Ecolink Investment noong 2005 sa gitna ng krisis sa lokal na komersyal na produksyon ng pelikula, na may layuning suportahan at paunlarin ang mga independent filmmaker sa bansa.
Ngayong 2026, sa ika-22 anibersaryo ng taunang selebrasyon ng alternatibong pelikula sa bansa, muling itinampok ng Cinemalaya ang mga pelikulang tumatalakay sa mga suliranin at kalagayan ng mga Pilipino sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, kasabay ng pagsisilbi nito bilang komentaryo sa kasalukuyang kalagayan ng lipunan.
Ang sentro ng pagdiriwang ay ang pangunahing kompetisyon para sa mga full-length na pelikula, kabilang ang mga tampok na pelikula at dokumentaryo. Ang Cinemalaya ay naiiba sa pangkaraniwang pagdiriwang sa pamamagitan ng kanilang adhikain na linangin ang mga pelikula mula sa kanilang konsepto hanggang sa kanilang pagka-pinal. Ito ay kanilang ginagawa sa pamamagitan ng grant program, kung saan 10 proyektong nagpapakita ng magandang potensyal ay pinipili at binibigyan ng pondo para maisakatuparan ang kanilang ideya at pangitain. Ang prosesong ito ay karaniwang umaabot ng 20 buwan.
Enjoy Your Stay
Ang pelikulang “Enjoy Your Stay” ay ang naging pambungad sa piyestang pampelikula ngayong taon. Ito ay isang kuwentong tumatalakay sa halaga at sakripisyo na kaakibat sa pagsusumikap para sa marangyang pamumuhay. Ang kuwento ay nakasentro sa isang eksklusibong ski resort sa Switzerland, kung saan ginagampanan ni Mercedes Cabral ang pangunahing papel bilang si Luz, isang undocumented Overseas Filipino Worker (OFW).
Sa nasabing resort ay bahagi si Luz ng cleaning crew na binubuo ng mga Pilipino. Sa kabila ng kanilang pagsisikap, sila ay humaharap sa mga suliranin: ang kanilang labis na pagtatrabaho na natutumbasan lamang ng kapos na sahod, kasabay pa ng bumabalot na pangamba sa deportasyon.
Tahimik silang kumikilos sa mga mararangyang chalet sa Verbier—ang mga nasabing villa na matatagpuan sa Swiss Alps. Ang kanilang mandato ay maglinis ng mga bakas ng dumi sa pamumuhay ng mayayamang bisita. Sa bawat araw na lumilipas, kinakailangan nilang mag-ingat at umiwas sa mga awtoridad na dala ang banta ng deportasyon.
Sa gitna ng lahat ng ito, si Luz ay mayroong malaking problemang kinakaharap sa kaniyang pagsisikap na makuha ang kustodiya ng kaniyang anim na taong gulang na anak na babae at makaipon pa ng pera bago tuparin ang pangakong makabalik sa Pilipinas para sa ikapitong kaarawan ng kaniyang anak.
Si Luz ay napilitang makipagsundo sa kaniyang amo, na si Thibault, isang lokal na mapanlamang. Dahil dito, unti-unting nakokompromiso ang prinsipyo ni Luz, pati na rin ang kaligtasan ng kaniyang komunidad.
Mula rito, nakikita na ang pelikula ay lumihis sa karaniwang paglalarawan sa mga OFW dahil ipinakita rito ang kompleksidad ng karakter ni Luz, higit pa sa pagiging isang biktima ng pait ng buhay. Ipinakita sa pelikula ang ilang pagkakataon na ang mga makasariling kilos at desisyon ni Luz ay kapalit ng kaligtasan ng kaniyang komunidad.
Sa kabuuan, maituturing ang pelikulang ito bilang isang thriller na iiwan ang mga manonood sa pangamba at pag-aabang sa susunod na mangyayari habang unti-unting tumitindi ang tensiyon, takot, at pananabik.
Sa huli, ipinapakita ng pelikula na ang tunay na kasamaan sa mundong ito ay yaong mga nasa kapangyarihan na nakikinabang sa isang bulok at hindi patas na sistemang tumulak sa mga nasa laylayan na magbanggaan at maghilahan pababa sa isa’t isa para lamang mabuhay.
2 valid IDs
Ang hindi makatarungan at mapangabusong burukrasya sa Pilipinas–’yan ang katotohang itinampok at binibigyang-diin ng pelikulang “2 valid IDs”. Mula pa lamang sa pamagat, malinaw na ang kabalintunaan ng sistemang umiiral sa mga itinakdang proseso bago pa man makuha ang tulong na karapat-dapat na matanggap ng bawat Pilipino mula sa gobyerno.
Ang pelikula ay nakasentro sa kuwento ni Sylvia na ginagampanan ni Marietta Subong o mas kilala ng lahat bilang Pokwang. Ang kuwento ay nagsimula nang ang kanyang asawa na si Ramon, na ginagampanan ni Joey Marquez, ay kinailangang ilipat sa isang semi-private na ospital sa Maynila para sa pagpapatuloy ng gamutan at upang maisagawa ang bullectomy surgery dahil sa malubha niyang Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD).
May pag-asa sanang mabigyan ng solusyon ang kanilang problema dahil sa pangako ng tiyahin ni Ramon na nagtatrabaho sa New Zealand ng pinansyal na tulong upang matulungang tustusan ang nasabing operasyon at ang bumibigat na bayarin sa ospital. Subalit, nang dumating ang pera, hinarap ni Sylvia, pagdating sa remittance center, ang mabigat na balakid na nakatago sa animo’y simpleng kahilingan: kailangan niya ng dalawang valid ID.
Mula rito, nagsisimula ang tila walang katapusang paglalakbay ni Sylvia sa burukrasya. Sa tulong ng kanyang pamangkin na si Mercy, nagsimula ang pagtalima ni Sylvia sa suliraning kinakaharap sa pamamagitan ng paglalaan ng oras, pera, at lakas upang makumpleto ang mga dokumentong hinihingi sa kanya. Ang problema: habang abala siya sa pagsunod sa proseso, patuloy namang naghihintay si Ramon sa ospital, habang nanghihina at unti-unting nawawalan ng pag-asa.
Sa halip na gawing simpleng biro ang kabalintunaan ng sitwasyon, ginamit ito ng pelikula upang ilarawan ang nabubulok na sistemang lunod na sa tumitinding paghahari ng burukrasya, lalo na para sa mga Pilipinong nasa bingit ng krisis. Ang “2 valid IDs” ay hindi na lamang isang pelikula, kundi isang simbolo ng laganap na kawalan ng katwiran at katarungan ng mga umiiral na sistema ng gobyerno pagdating sa serbisyong pangkalusugan, at sa mga karapatang dapat sana’y madaling makamit ng bawat mamamayan.
Ang tunay na lakas ng pelikula ay nasa kakayahan nitong gawing personal ang isang problemang pamilyar sa maraming Pilipino. Ang proseso ng pagkuha ng ID, pagpapasa ng dokumento, paghihintay ng ilang araw, at pagpunta mula sa isang tanggapan patungo sa isa pa ay maaaring pangkaraniwang abala lamang sa iba. Ngunit para kay Sylvia, ang bawat araw ng paghihintay ay maaaring mangahulugan ng paglala ng kondisyon ng kanyang asawa.
Sa huli, hindi nagbibigay ang “2 Valid IDs” ng madaling sagot. Sa halip, iniiwan tayo nitong may isang simpleng tanong: “Kung ang tulong ay para sa mamamayan, bakit kailangan pa nitong lampasan ang napakaraming hadlang bago ito makarating sa taong nangangailangan nito?”
58th
Sa animated documentary na “58th” ni Carl Joseph Papa at Aica Riz Ganhinhin, makikita ang misteryong pumapalibot sa pagkawala ng bangkay ni Reynaldo “Bobet” Momay Castillo, isang photojournalist na kabilang sa mga biktima ng Maguindanao massacre noong 2009.
Binabalik-tanaw ng katha na ito ang isa sa pinakamadugong pangyayari sa kasaysayan ng eleksyon sa Pilipinas kung saan 32 na mamamahayag, mga abogado, at miyembro ng pamilya Mangudadatu ang pinatay sa utos ng pamilyang Ampatuan kapalit ng pangmatagalang kapangyarihan sa politika.
Ngunit, hindi lamang nakapokus ang pelikulang ito sa aktwal na pangyayari sa trahedya. Inilalarawan din nito ang reyalidad na iniwan ng mga biktima: ang mabagal na proseso sa pagkamit ng hustisya, ang walang sawang pagbabakasakali na mahanap ang katawan ni Reynaldo, at ang bangungot na kailangan balik-balikan ng pamilya Castillo, lalo na ng kanyang anak na si Reynafe “Nene” Momay Castillo, na ipinaglalaban ang patuloy na pagkilala sa kanyang ama bilang ika-58 na biktima.
Tinuturo ng “58th” na ang karahasan ay hindi humihinto sa pagkawala ng mga biktima. Walang pakundangan ito na nagpapatuloy sa mahabang panahon ng kawalan ng hustisya, pagwawalang-bahala ng mga politiko sa buhay ng mga ordinaryong tao, at pagtuligsa sa malayang pamamahayag. Sa panig ng mga pamilya ng biktima, kasama na ang pamilya ni Momay, mahirap magluksa sa isang patay na walang bangkay at mas humihirap pa ito dahil sistema mismo ang naglalagay sa kanila sa hukay.
Kontrobersyal din ang pelikulang ito sapagkat maraming direktor ang nanganganib na maaaring ito na ang una at huling paglabas ng “58th” sa publiko dahil sa mga sensitibong impormasyon na meron ang pelikula, katulad na lamang na nangyari sa “Lost Sabungeros” na kamakailan din na tinanggal sa Cinemalaya 2024 Edition dahil sa isyung pangseguridad.
Filipiñana
Isinara ng “Filipiñana” ni Rafael Manuel ang ika-22 anibersaryo ng Cinemalaya kung saan inihambing ng pelikula ang sistemang panlipunan ng Pilipinas sa isang golf course.
Umiikot ito sa buhay ng isang 17-anyos na Ilokano na si Isabel na nagtatrabaho bilang taga-hilera ng golf balls sa driving range ng isang prestihiyosong golf club sa karatig-lugar ng Maynila. Makikita rito ang paglalaro ng hirarkiya ng mga caddies na mas mataas sa mga tee girls na katulad ni Isabel at sa pinakataas na si Dr. Palanca at ng kanyang mga kasamahan.
Nagsimula ang pinakamalaking palaisipan ng kuwento noong sinubukan ni Isabel na ibalik ang golf club ni Dr. Palanca at habang binabaybay niya ang liblib at pribadong lugar ng golf course, dito niya nakita ang iba’t ibang uri ng lihim, pagsasamantala, at kakaibang relasyon na tinatago sa likod ng magandang reputasyon ng establisyimento.
Ipinaaalala ng “Filipiñana” na mahirap maging banyaga sa sariling balat at bansa lalo na kung ang katayuan ng bawat ordinaryong Pilipinong katulad ni Isabel ay nakadepende sa matayog na hirarkiyang nakaugalian, nakasanayan, at nakagawian ng sistemang panlipunan. Idinidiin nito na kahit gaano man kakisig ang pampalamuti ng kapangyarihan, ay hindi pa rin nito matatakbuhan ang sariling anino.
Ang sineng malaya
Isa sa mga maraming kinakaharap na problema ng Cinemalaya sa kasalukuyan at hinaharap ay ang limitadong oportunidad na mapaabot ang bawat aral at mensahe sa mga manonood, na siyang humahadlang din sa malawakang pagpapalabas sa publiko dahil sa distansya, presyo, at access ng kanilang mga pelikula lalo na at ito ay mapapanood lamang sa mga piling lugar at establisyimento.
Bukod dito, kailangan ding tanawin na ang dahilan kung bakit hindi naaabot ng Cinemalaya ang mga Pilipinong pinagsisilbihan at pinaglalaanan ng kanilang pelikula ay dahil sa kawalan ng kongkretong suporta mula sa gobyerno, sa publiko, at sa pondo para sa mga artista’t alagad ng bayan. Dito nagkakaroon ng palaisipan: Paano maaabot ng Cinemalaya ang masang Pilipino kung limitado naman ang oportunidad at suporta ng estado sa malayang sining sa pelikula?
Maraming magagandang pelikula ang taunang inihahain ng Cinemalaya. Ipinapakita nito na ang Cinemalaya ay hindi lamang espasyo para isulong ang independiyenteng pelikulang Pilipino, kundi pati na rin ang paglalarawan ng karaniwang pamumuhay, problema, at sistema na kinakaharap ng ordinaryong mamamayan sa bansa–isang matalinghaga at tapat na pagsabuhay sa tunay na diwa ng sining–na humahamon sa namamayaning sistema at humuhubog ng makabuluhang diskurso para sa ikauunlad ng nakararami.

