KAPAG MAHUSAY MAGSALITA ng Ingles ang isang estudyante, mas matalino ba agad ang tingin sa kanya? Sa loob ng paaralan, ang paraan ng pagsasalita ay maaaring maging bahagi ng unang pagtingin sa isang tao—mula sa kanyang talino at edukasyon hanggang sa kanyang katayuan at kakayahang mamuno. Sa likod ng ganitong pananaw, may isang tanong na nananatili: gaano nga ba dapat kalaki ang bahagi ng isang wika sa pagsukat sa kakayahan ng isang tao?

Ang wika, sa pangkalahatan, ay isang mahalagang aspeto pagdating sa komunikasyon. Ito ay may malaking gampanin sa pagbibigay ng pagkakataong maipahayag ang bawat ideya at saloobin.

Gayunpaman, sa kasalukuyang panahon, mayroong malaking agwat sa kung ano ang tunay na pamantayan ng husay ng isang tao sa pananalita, higit pa sa kung anong wikang ginagamit niya—isang pamantayan na nakaangkla batay sa pagkabihasa at pagdadalubhasa sa wikang Ingles.

Wika bilang hadlang sa mga relasyon

Bawat taon, may mga bagong mag-aaral na pumupunta sa Unibersidad upang simulan ang kanilang makabagong kabanata. Kanilang sinisimulan ang kanilang kabanata sa buhay-kolehiyo kasama ng pag-asa na sila ay makabubuo ng mga bagong alaala at pagkakaibigan, kasama ng pagkatuto ng mga makabagong bagay habang tinutuklas ang mga bagong yugto ng kanilang buhay. 

Gayunpaman, sa ilang pagkakataon sa loob ng isang pamantasan kagaya ng San Beda, ang pakikipag-usap sa mga kapwa estudyante ay nananatiling nakapaloob sa isang negatibong pananaw at nakatagong ekspektasyon sa paraan ng pakikipag-usap–sa anyo ng banyagang wikang Ingles. 

Ang presensya ng nasabing “stigma” sa pananalita ay ipinagtibay ng karanasang inihayag ni Julia Rose Maddul, isang mag-aaral sa kanyang ikalawang taon sa kursong Sikolohiya. Ayon kay Julia, nang kanyang tinanong ang kaniyang mga kaklase tungkol sa diskurso kaugnay sa kadahilanan sa likod ng pagpabor sa paggamit ng Ingles, siya ay nakatanggap ng kasagutan na ang kulturang umiiral sa mga Bedista ay “dapat English ka or conyo ka magsalita to somewhat join in or blend in the social stigma or social expectation of the people.

Ito ay isa sa mga katibayan ng yumayabong na pagkagipit sa pakikibagay sa pamamagitan ng paggamit ng isang wikang inaayunan ng nakararami. 

Sa mukha ng nasabing panggigipit, maraming mag-aaral ang patuloy na nahihirapan makiayon–isang aspetong nagdudulot ng dibisyon at kawalan ng ugnayan sa isang komunidad na may atas na magbukluran.

Isa sa mga pangunahing kadahilanan ng paglaganap ng nasabing ideya ay maaaring nag-uugat sa mga matang mapanghusga na nangungutya at nangmamaliit sa angking katalinuhan ng isang tao sa tuwing nagkakaroon ng kamalian sa paggamit ng wikang tinuran.

Ayon kay Paula Sofia Reyes, isang mag-aaral na na sa ikalawang taon nya rin sa kursong Sikolohiya, kanyang nasaksihan ang mga klase ng pangungutya batay sa wikang tinuturan. Kanyang inilahad na ang ganitong mga pangyayari ay nagdulot sa kanila ng takot na ipahayag ang kanilang saloobin kahit kanilang batid na sila ay mahusay sa lengguwaheng ginagamit nila. 

Si Paula ay isa lamang sa mga mag-aaral na nakasaksi sa pagiging paksa ng panunukso, kagaya na lamang ng mga karaniwang pahayag na “grabe nakaka-nosebleed!” sa bawat pagkakataon ng pagkakamali sa paggamit ng wika.          

Mga oportunidad na hinarang ng wika

Sa buhay-kolehiyo, mayroong iba’t ibang klase ng oportunidad na naghihintay sa bawat mag-aaral. Kabilang na rito ang pagkakataong makapagtamo ng mga karanasan at aral sa mga organisasyon sa loob ng Pamantasan.

Ngunit, sa karaniwang pangyayari, ang mga pagkakataong ito ay maaaring mahadlangan ng kawalan ng tatas at pagkabihasa sa pananalita ng partikular na wika.  

Itong penomenon na ito ay natuklasan ni Paula sa kanyang pagkabatid sa ilang mga pagkakataon ng hayagang pagbibigay pabor at pagkakataon sa mga taong bihasa sa wikang Ingles. Ayon sa kanya, isang halimbawa ang mga pangkatang gawain sa loob ng silid-aralan kung saan ibinibigay ang mga akademikong gawain kagaya ng pagsusulat sa “mga taong mas magaling or mas magaling magsulat in English.”

Ipinagpatuloy ni Julia ang naratibo sa pagbabahagi ng perspektibo na ang mga bihasa sa nasabing wika ay ang laging binibigyan ng pagkakataon kumpara sa iba, sa pamamagitan ng pagdaing, “English ‘yung subject, porket magaling ka mag-English or fluent ka mag-English, ikaw na [gagawin] leader or somewhat a person who they respect in the environment.”

Pagdating sa pagkakatiwala ng mga nakatataas na responsibilidad, ipinaliwanag niya rin ang umiiral na naratibo na mas lohikal piliin para sa  nakararami ang mga dalubhasa sa wikang Ingles sapagkat sila ay nababansagan at naiuugnay sa kahusayan at katalinuhan–isang hayagan at hindi patas na timbangan ng katangian ng isang tao.

Kapag naging sukatan ang wika

Para kay Youone Kei Aquino, isang mag-aaral sa ikatlong taon ng kursong Legal Management, kapansin-pansin ang bigat ng wikang Ingles sa loob ng silid. “I personally have held back in recitations, not because I didn’t know the answer, but because I wasn’t that confident that it would come out clean in English.” Para sa kanya, ang kahusayan sa Ingles ay malaking aspeto sa paraan ng pagtingin sa isang tao. Kasabay nito, kanya ring binanggit ang relasyon ng pagtitiwala ng konseho ng mga mag-aaral sa husay ng isang indibidwal sa pagturan ng salitang Ingles. “These students that speak English fluently, they are more likely to be elected as officers, as representatives,” ani Youone.

Umaabot ang pag-iral ng ganitong pananaw sa puntong naging pamantayan ng halaga o importansya na siyang magluluklok sa mataas na katayuan sa komunidad ang mga bihasa sa Ingles. “It’s because that we’ve let fluency in English substitute itself for competence.” 

Sa huli, maraming oportunidad ang naipagkakait dahil sa mga hindi makatarungang saysay ng pagsusukat batay sa kung gaano kahusay mag-Ingles ang isang indibidwal.

Ang kasaysayan sa likod ng wika

Para kay Dr. Marvin R. Reyes, Ginoong Tagapangulo ng Department of Language and Literature, may mahabang kasaysayan ang pag-uugnay ng Ingles sa talino at katayuan sa lipunan. Kanyang binanggit na sa ilalim ng pamamahala ng kolonyang Amerikano, naging mahalagang bahagi ng pormal na edukasyon ang Ingles. 

Sa gitna ng umiiral na pagtanggi sa karapatang makapag-aral ng nakararami noong panahon ng kolonyalismong Amerikano, mas naging kaakibat ng wika ang katangian ng husay at talino dulot ng pribilehiyo ng edukasyon.

Sa paglipas ng panahon, patuloy na nananaig ang pagtingin sa Ingles bilang wika ng edukasyon, yaman, at kapangyarihan. “Iyan ‘yung isa sa mga narinig ko kung bakit up until now, we look into English language as a language for the elite and as a language for the powerful,” ani Dr. Reyes. 

Tunay na patuloy ang makabuluhang gampanin ng wikang Ingles sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Dahil dito, dala rin nito ang ilang pananaw na matagal nang nakaugat sa lipunan. Para kay Dr. Reyes, malinaw na hindi dapat maging batayan ng talino ang wikang ginagamit ng isang tao. “English language should and will never be a measurement of one’s knowledge, of one’s intelligence, of one’s wisdom.” saad niya. 

Ang kakayahang magsalita ng wikang Ingles ay hindi pangunahing batayan ng kapasidad at talino ng isang tao. May malaking bahagi ang pagdadalubhasa sa wikang banyaga sapagkat may mga pagkakataong kinakailangan ito sa pag-aaral, propesyonal na karera, at pakikipag-ugnayan sa mas malawak na mundo. Gayunpaman, hindi nasusukat sa wikang ginagamit ng isang tao ang lawak ng kanyang talino at kakayahan.

Ngayong ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika, mahalagang muling isabuhay kung paano nararapat na tingnan at pahalagahan ang wika at ang mga taong gumagamit nito. Sa bawat salitang ating pinipili at pinakikinggan, lagi’t lagi piliin ang pagkakataong mas kilalanin ang talino, kakayahan, at karanasan ng isang tao, nang higit sa wikang kanyang ginagamit.

RELATED


Discover more from The Bedan

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading