MANUNUMBALIK ANG NATIONAL Collegiate Athletic Association (NCAA) sa Rizal Memorial Coliseum para sa ika-101 edisyon ng torneo na nakatakdang magsimula ngayong Oktubre, dalawang dekada matapos huling idaos dito ang Season 81 noong 2005.
Muling magbubukas ang inaabangang NCAA Season 101 sa Rizal Memorial Coliseum, tampok ang mga bagong demonstration sports katulad ng gymnastics, boxing, at weightlifting. Idadagdag ito sa lineup ngayong season ngunit hindi bibilangin sa opisyal na medal tally.
Ang mga larong nabanggit ay naging dahilan sa pagkakamit ng kauna-unahang medalya ng Pilipinas noong Olympics.
Nagtipon si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Pato Gregorio kasama ang mga kinatawan ng Association Management Committee, kabilang sina Peter Cayco ng Arellano University (AU), Atty. Jonas Cabochan ng San Beda University(SBU), Fr. Victor Calvo Jr. ng Colegio de San Juan de Letran (CSJL), Raymund Manuel Castellano mula sa De La Salle – College of Saint Benilde (CSB), Francisco Gusi ng University of Perpetual Help System Dalta (UPHSD), at Dr. Lorenzo Lorenzo mula sa Emilio Aguinaldo College (EAC), upang talakayin ang mga paghahanda at mahahalagang usapin para sa nalalapit na NCAA Season 101.
Itinuturing na malaking bentahe para sa maraming Unibersidad ang pagbabago ng entablado dahil ito ay sentral at madaling puntahang lokasyon sa mga ito.
“It will definitely help in attracting audiences for every game, a vibrant identity the NCAA has been carrying since then,” dagdag pa ni Gregorio.
Ipinahayag ni PSC Chairman Pato Gregorio ang kanyang suporta sa pagbabalik ng liga. Iginiit niya, ‘We welcome back the NCAA with open arms. This is their home.”
Karugtong nito ay ang pahayag ni Atty. Jonas Cabochan, NCAA Management Committee representative mula sa San Beda University at ang acting ManCom chairman, “Dito talaga ang identity ng NCAA, which was synonymous with the Rizal Memorial Coliseum back in the day.”
Bilang paghahanda para sa NCAA Season 101, nakatakdang isagawa ng liga ang isang soft launching sa Rizal Memorial Coliseum ngayong Setyembre, bilang paghahanda sa opisyal na grand opening sa Oktubre.
(with Asher Ugaddan)

