SA PAGBUBUKAS NG National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa larangan ng esports ngayong Season 100, nakilahok ang San Beda University (SBU) sa kauna-unahang Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) Tournament na ginanap mula Hunyo 28 hanggang Hulyo 13, 2025.
Minarkahan ng kaganapang ito ang pormal na paninimula ng NCAA sa eksena ng esports kung saan sampung miyembro ang nakibahagi sa kompetisyon, kabilang ang: Emilio Aguinaldo College (EAC) Generals, De La Salle – College of Saint Benilde (CSB) Blazers, San Sebastian College-Recolletos (SSC-R) Golden Stags, Arellano University (AU) Chiefs, Colegio de San Juan de Letran (CSJL) Knights, Mapua University (MU) Cardinals, Jose Rizal University (JRU) Heavy Bombers, at University of Perpetual Sysem Help Dalta (UPHSD) Altas.
Kasama ang Collegiate Center for Esports (CCE), idinaos ang paligsahan sa isang two-phase format kung saan nahati sa dalawang bracket ang sampung koponan. Ang tatlong pangkat na nagwagi ng pinakamataas na pwesto sa bawat bracket ang nakapasok sa playoffs at finals na ginanap sa Philippine GameDev Expo sa SMX Convention Center.
Kabilang sa mga lumahok sa ngalan ng Unibersidad ay sina Tor Castillo, Johann Cedrick Gaddi, Tuazon, Ryza Ricafort, Earl Tolentino, at Michael Angelo Aguna, na kasama sa Group A. Tanging SBU lamang ang koponan na binubuo ng mga atleta mula sa iba’t ibang paligsahan ng NCAA.
Sa unang sabak ng laro, nakalaban ng San Beda ang Mapua Cardinals noong Hunyo 28 at ang EAC Generals noong Hunyo 29, kung saan una nilang pinakita ang kanilang sigla sa laro. Hindi naging matagumpay ang kanilang mga tagisan at sila ay nabigo, 0-2, sa parehong laban.
Pagdating naman sa ikalawang ikot ng torneo, nakaharap ng SBU ang JRU Heavy Bombers noong Hulyo 12 at ang Perpetual Altas noong Hulyo 13. Muling nabigo ang San Beda sa magkasunod na laban, 0-2. Sa kabuuan, natapos ang kampanya ng Red Lions na may 0-8 na record.
Bilang bagong kompetisyon sa NCAA, inaasahang babalik ang esports sa darating na Season 101, tampok ang mga larong MLBB at Valorant.
(kasama si Aliyah Buene D. Aya-ay)

