SA NALALAPIT NA Season 101 ng National Collegiate Athletic Association (NCAA), inilahad ng Athletics Committee ng College of Arts and Sciences (CAS) Student Council ang kanilang paghahanda at inisyatiba.
Pinag-iisipang mabuti ng Athletics Committee ang daan upang mapagkaisa ng mga Bedista at atleta na siyang maghahatid ng diwa ng “sportmanship” para sa ika-101 na edisyon ng NCAA.
Sa pahayag ni Jade De Leon, ang pinuno ng komite, kanyang isiniwalat ang pagpupundar nila para sa panibagong pagyabong ng kanilang Facebook page upang maging updated kada oras ang komunidad sa kanilang mga anunsyo o promosyon.
Isinaad ni De Leon na hindi lamang ito iikot ukol sa impormasyon ng mga atleta, sa halip ay kasama rin dito ang kanilang mga payo sa fitness, nutrition, at injury prevention, sa layunin na makilahok, magbigay aral, at makipag-ugnayan sa mga mag-aaral.
Inamin din niya ang mabusising paghahanda para sa nalalapit na NCAA Season 101. Sinimulan na ito noong bakasyon pa lamang samantalang kasama sa pagpaplano ni Fr. Martin Mary J. Aleman, OSB, Athletics Director.
Inihayag niya rito ang pagnanais ni Fr. Martin na mabuhay ang kultura ng mga Bedista na magkakaisa sa bawat mag-aaral, atleta, alumni, pati ang ibang administrador ng Unibersidad.
Bukod pa rito, marami na rin ang nakaantabay sa pagbubukas ng kaganapan sa Pep Rally. Ipinaliwanag din ng pinuno na kabilang sa mga pangunahing proyekto ng komite ngayong taon ang Pep Rally, Sportsfest, at ang bagong programa para sa eSports tournament, na kasalukuyan pang dinidinig para sa pag-apruba.
Bahagi rin sa kanilang plano ang pagbibigay ng discount programs gaya ng libreng ticket at transportasyon patungo sa lahat ng laro ngayong NCAA, gayundin ang pagpapalabas ng live games sa bawat sulok ng campus.
Kabilang sa kanilang ipatutupad ang KAKAMPI Desk, isang grievance form na may layong tugunan ang pangangailangan ng mga atleta upang makapagbigay tulong lalo na’t malayo sila sa kani-kanilang pamilya.
Ayon kay Cathrina Dorado, co–head ng Athletics Committee, isa sa kanilang mga pangunahing mithiin ay muling pag-ingayin ang suporta ng mga Bedista para sa mga atleta.
Inaasahan din umano ang mas makulay at naiibang bersyon ng Pep Rally ngayong taon sapagkat makakasama ng San Beda ang GMA para sa pagbubukas ng okasyon.
Sa plano ng komite upang ma-institutionalize ang kaganapang ito, bumuo sila ng mga partnerships sa pamamagitan ng iba’t ibang sanga ng unibersidad, kabilang ang Senior High School, College of Medicine, College of Nursing, at College of Law, pati na rin ang kampus ng San Beda sa Alabang at Rizal.
Tiniyak ng Athletics Commitee na gagamitin nila ang kanilang plataporma gaya ng Facebook, Instagram, at TikTok upang makilala pa ng mga estudyante ang mga atleta.
Ilinahad naman ni Pauleene Visaya, kasamahan ni Dorado bilang co–head, na umaasa sila na mas magiging magarbo ang Pep Rally ngayon. Kung kaya naman ninanais ni De Leon ang pagsubaybay at suporta ng mga estudyante sa atleta ng San Beda ngayong nalalapit na ang NCAA.
“Abangan na lang nila na mas bongga at pasabog ang mangyayaring pep rally na iahanda for the NCAA 101… We rally our passion to inspire every bedan to join and cheer and compete as one bedan community.”

