ANG TAPAT NA paglilingkod ay isang tungkulin na tunay na tinutugunan ng isang mahigpit na pamantayan. Napapanahon muli ang mga plataporma at pangako mula sa mga naghahangad paglingkuran ang mga mag-aaral, kapanalig ang kanilang kasanayan sa pamumuno, at umaasang maakit ang boto ng pangkalahatan. 

Isa sa mga karapatang pantao ang pagboto. Ito ay upang maipahayag nilang maigi ang kanilang mga saloobin sa mga isyu ng komunidad. Sa mga nakaraang halalan, makikita natin ang bahagdan ng mga Bedistang bumoto at makikita natin na hindi pa ito umabot sa mayorya o karamihan ng populasyon ng mga mag-aaral sa Kolehiyo ng Agham at Sining. Kaya gaano nga ba talaga kahalaga ang iyong boto sa nalalapit na halalang Student Council (SC)? Halina’t pakinggan ang tinig ng mga Bedista ukol sa halaga ng pagboto at hinggil sa kanilang mga hangarin para sa mas maginhawang edukasyon. 

Dedikasyon sa komunidad 

Hindi lang dapat may dedikasyon ang mga kandidato upang sa pagsasayos ng paaralan, kundi pati rin ang kapakanan dapat ng mga estudyante. Para sa mga botanteng Bedista, ang pagkakaroon ng dedikasyon sa ating munting komunidad ay katumbas ng pagkakaroon din ng kamalayan sa mga nangyayari sa paaralan natin, lalo na’t ito ay nakaaapekto sa mga estudyante. Kasama rin dito ang pakikilahok at pagtangkilik sa demokrasya sa paaralan. Bukod dito, ang dedikasyon ng mga botante sa komunidad ay pagpapahalaga sa kanilang karapatan at responsibilidad bilang estudyante na mapahayag ang kanilang mga pananaw at pumili ng kinatawan na nagtataguyod ng kanilang mga interes at mga pangangailangan.  

Sa pamamagitan ng pagboto, ipinapakita ng mga botante ang kanilang dedikasyon na may pag-asa pang magkaroon ng maayos na buhay kolehiyo ang mga Bedista. Dahil dito, nagkakaroon ng mas malakas na ugnayan at konektado ang komunidad ng mga estudyante. Ito rin ay nagbubunga ng masiglang diskusyon at aktibong partisipasyon sa mga usapin na nakakaapekto sa kanilang buhay sa paaralan.  

Saad ni Glenn Kingking Jr., isang mag-aaral sa sa Departamento ng Business Management at Entrepreneurship, na sa pamamagitan ng pagboto, naipapakita ng mga mag-aaral ang kanilang “dedikasyon upang makatulong sa pagmamabuti ng kanilang komunidad sa paaralan.” Para sa kanya, nagbubukas din ito ng oportunidad para sa mga naghahangad tumakbo sa mga posisyon sa Student Council na makipagpalitan ng mga ideya at pananaw sa mga mag-aaral, upang maitaguyod ang mga pangangailangan nila sa pamamagitan ng mga programa at proyekto.  

Photo courtesy of Glenn Kingking Jr.

Nais din ni Glenn, para sa mga organisasyon sa paaralan, na hikayatin ang mga mag-aaral na bumoto, sa pamamagitan ng pagtayo ng mga information drive, debate, at forum para mas mabibigyan sila ng kaalaman tungkol sa mga kakayahan at katangian ng bawat kandidato.  

Pakiki-isa para sa mas maayos na sistema 

Tunay nga na ang pinakamahalaga sa pagtakbo ng mga kandidato sa eleksyon ay ang pagtataguyod ng ginhawa sa buhay kolehiyo ng mga Bedista. Sa pamamagitan ng pagkakaisa, nagiging mas matatag ang tinig at representasyon ng mga estudyante. Dahil dito, lalong dumarami ang mga opinyon ng mga botante patungkol sa mga iba’t ibang isyu na kanilang nararanasan sa komunidad ng San Beda. 

Upang magkaroon ng mas maayos na sistema ang Unibersidad, kakailanganin din natin ng dedikasyon sa buong komunidad. Halimbawa na lamang nito ay ang paghihikayat sa mga kapwa nating estudyante na bumoto para sa nararating na eleksyon.  

Para kay Kiel Tenchavez ng Departamento ng Legal Management, ang pagboto ay isang paraan ng pagkiki-isa, ng sa gayon ay matugunan ng mga awtoridad ang hiling ng mga mag-aaral para sa mas maayos na sistema at pamamalakad sa kanila.  

Photo courtesy of Kiel Tenchavez

Nais nya ring hikayatin ang mga kapwa niyang Bedista na bumoto, “Huwag nating sayangin ang pagkakataon na ito at piliin natin ang mga may kakayahan na pamunuan at pakinggan tayong lahat.” 

Demokrasya sa paaralan 

Demokrasya, salitang hinahangad ng mga tao pagdating sa pagpapahalaga sa karapatan at kalayaang maibahagi ang kanilang boses at impluwensya sa mga desisyon na nakakaapekto sa kanilang edukasyon at buhay sa paaralan. Ang demokraysa ay nagbibigay ng pagkakataon sa lahat ng mga estudyante na makilahok sa proseso ng pagboto. Sa pamamagitan nito, may pagkakataon na pumili ng kinatawan na sa tingin nila’y magpapahayag ng kanilang interes at pangangailangan.  

Naniniwala si Kenneth T. Estacio ng Departamento ng Legal Management na mahalaga ang pagboto dahil dito na “eensayo ang pagka-demokratiko” ng komunidad ng San Beda. Hindi lamang isa ang maaapektuhan sa magiging resulta sa darating ng halalan, kung ‘di lahat ng mga mag-aaral.  

Photo courtesy of Kenneth T. Estacio

Para sa kaniya, ang kalahatan naman ang makikinabangan sa mga nais ipatupad at ipapaliwanag na mga plataporma at programang ihahain ng mga kandidato. Kung mayroon mang paraan para manghikayat ang iba’t ibang organisasyon ng mga mag-aaral na bumoto, para kay Kenneth, ito ay ang paglabas ng mga publicity materials na naglalaman ng importansya ukol sa pag boto. 

Bedista, anong katangian ang  gusto mong makita sa mga kandidato? 

Para kay Glenn, gusto niyang makita ang mga kandidato na may “integridad, liderato, at kakayahan na magdala ng tunay na pagbabago at pag-unlad” sa paaralan. “Ang kanilang kakayahan sa pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor ng paaralan ay isa rin sa mga mahahalagang katangian na hinahanap ko sa mga kandidato,” dagdag ni Glenn. 

Sa pananaw ni Kiel, nais niyang makita sa mga kandidato na hindi lamang sila mga lider ng mga mag-aaral na tumatakbo para sa kanilang interes, kundi para sa “kabuuan ng bawat mag-aaral ng San Beda.” 

“Kandidato na isinasapuso at isinasabuhay ang Ora et Labora na nagdarasal at gumagawa parin,” ito naman ang nais ni Kenneth na makita sa mga kandidato sa darating na halalan. Ibinahagi niya na rin ang kaniyang nais na makita na talagang para sa mga mag-aaral; na totoong may kagustuhang tumulong, gumabay, at umagapay sa mga mag-aaral. 

Bedista, mahalaga ang iyong boto ngayong halalan. Nawa’y na ang tatlong rason na ito ay magbibigay kamalayan sa inyo na pumili ng lider na magbibigay pansin sa ating mga pananaw at itaas sa administrasyon na nais nating makita sa ating Unibersidad. Gayunpaman, ang ating boto ay hindi lamang naglalarawan ng indibidwal na opinyon kundi naglalarawan ito sa kolektibong adhikain para sa pagbabago at pag-unlad ng komunidad ng San Beda. 

Oras na para magkaroon ng kamlayan sa mga tatakbong kandidato para sa mga posisyon sa Student Council. Bigyang pansin ang kanilang mga plataporma at pag-isipan kung sino nga ba ang karapat-dapat na umupo sa bawat posisyon. Laging tandaan, hindi lamang tayo bumoboto ng mga kandidato dahil kilala sila, tayo ay bumoboto dahil sa ating dedikasyon na marinig ang boses ng mga mag-aaral.  

RELATED


Discover more from The Bedan

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading