SA BAWAT TAGUMPAY na inaani ng San Beda University (SBU), nakaagapay dito ang tapat at buong-pusong serbisyo ng mga non-teaching personnel. Mula sa ating pagpasok sa pamantasan hanggang sa ating pag-uwi, nariyan sila upang magbigay-buhay sa mga adhikain ng institusyon.
Maliban sa ating mga propesor, mayroon din tayong mga non-teaching personnel na nakasasalamuha natin araw-araw. Sila ay nagsisilbi nang tunay sa ating pinakamamahal na pamantasan upang matiyak na magiging matiwasay ang ating pag-aaral sa loob ng paaralan. Atin silang kilalanin nang mas maigi, pati na rin ang kanilang mga kuwento ng paglilingkod sa ating komunidad.
Bukas-palad para sa bawat Bedista: Si Ate Fely Ramos ng SBU Bookstore

Nangangailangan ka ba ng uniporme o iba pang mga kagamitang pang-eskwela? Nariyan para sa iyo si Ate Fely ng SBU Bookstore, na siyang kilala natin sa kanyang nakahahawang ngiti at malambot na puso na laging handang tumugon sa ating mga pangangailangan.
Nagsimula ang kwento ni Ate Fely bilang isang kasapi ng janitorial staff noong 1981, nang sumailalim siya sa isang programang pang-bokasyonal para sa mga paaralan na kasapi ng Mendiola Consortium. Makalipas ang ilang taon, itinalaga siya na maglingkod sa SBU Bookstore kung saan siya ay nagmimistulang ina na para sa nakararami sa atin.
Ika nga ni Dhes Pundevilla, isang malapit na kaibigan at kasamahan ni Ate Fely, lagi raw siyang tinatakbuhan ng mga estudyante sa mga pagkakataon na nangangailangan sila ng tulong. “Halimbawa ganito… ‘Ate, kulang yung pera ko, pwede bang i-Gcash ko na lang?’ Alam mo kung ano ang ginagawa niya? Sasabihin niya: ‘Sige, ano, ‘pag naalala mo na lang, bayaran mo na lang ako, ako na lang magbabayad,” ganyan siya.”
Subalit sa likod ng kanyang kabutihan at angking dedikasyon, may dumating din ang pagsubok na nagpabago sa kanyang buhay. “Nagkasakit ako… parang second life ko na ito, kaya marami nang nagsasabi na mag-retire na raw ako,” wika ni Ate Fely. Umusbong ang mga usap-usapan tungkol sa kanyang pagreretiro ngunit ito’y nagpaalala lamang kay Ate Fely sa mga pagsubok na nalampasan na niya noon at sa mga layuning nakamit niya sa kanyang personal na buhay, tulad ng pagpapaaral sa kanyang tatlong anak at ang pagpundar ng sarili nilang tahanan.
Sa isang mensahe ng pasasalamat sa mga Bedista, lahad ni Ate Fely, “Lahat ng mga pari, pinasasalamatan ko… Mami-miss ko ang mga bagay na ito… ang bawat sulok ng San Beda kapag ako’y mag-retire.” Sa mahigit 40 na taon ng paglilingkod, nawa’y ating isa-puso ang kwento ni Ate Fely at ang kanyang kabutihang-loob at pagmamahal na tumatagos sa buong institusyon.
Kalinisan para sa bawat Bedista: Si Ate Letty Mendiola ng Janitorial Staff

Bilang isang pamantasang naka-angkla sa turong Laudato Si’ ng Santo Papa, marapat lamang na kilalanin ang mga nangunguna sa paglilinis ng bawat pasilyo at silid-aralan ng San Beda, na siyang mga patuloy na nagpapaalala sa ating pangunahing mga responsibilidad sa kalikasan. Sa loob ng mahigit isang dekada, mula sa ahensyang Bernardo Maintenance Services (BMG), kilala si Ate Letty Mendiola bilang tagapamahala ng janitorial staff o pangunahing tagapagtaguyod ng kalinisan sa buong pamantasan.
Ipinamalas ni Ate Letty ang kanyang buong-pusong paglilingkod mula pa noong 2006. Sa isang panayam, ibinahagi niya ang mga pagsubok na kanilang dinadanas, “Mahirap din kasi, ‘yung pamasahe ‘tsaka ‘yung oras ng pasok. Gigising ka ng 3:00 a.m. tapos aalis ka ng bahay ng 4:00 a.m.,” aniya na sa kabila ng matinding pagod, hindi sila nawawalan ng dahilan upang bumangon para sa kanilang mga mahal sa buhay.
Nang dumating ang pandemya, nadama rin ni Ate Letty ang mga pagbabago sa kanilang trabaho. Ngunit sa harap ng mga pagsubok, saad niya na naging liwanag ang pagmamalasakit na natanggap nila mula sa mga Bedista. Sa tulong ng mga nakaraang Student Council (SC) at ng administrasyon ng pamantasan, natulungan sila sa panahon ng pangangailangan. “Pinagsama-sama nila yung pera nila o mga kaya nilang maitulong. Hindi kami napapabayaan…’Yung mga hindi namin naipasok, pinunuan pa rin nila,” kwento ni Ate Letty, batid ang kanyang taos-pusong pasasalamat.
Sa mahigit 17 taong pagtatrabaho bilang janitorial staff, natupad ni Ate Letty ang kanyang pangarap na magkaroon ng bahay sa Cavite, na bunga ng kanyang dedikasyon at tiyaga. Umaasa si Ate Letty na sa pamamagitan ng pangangalaga sa kanilang paligid, matututo ang mga Bedista na pahalagahan at protektahan ang kalikasan.
Seguridad para sa bawat Bedista: Ang Kuwento ni Kuya Emelito Roa ng Security

Hindi maikakaila na isa sa mga tanyag na tauhan ng security team ng San Beda si Kuya Emelito Roa. Malaki ang respeto sa kanya ng bawat Bedista, hindi lang dahil sa tagal ng kanyang paglilingkod sa pamantasan, kundi pati na rin sa kanyang dedikasyon sa trabaho.
Noon, si Kuya Emelito ay naka-istasyon sa lungsod ng Parañaque bilang bahagi ng security team bago makilala ang noo’y-San Beda College (SBC) noong 2008 sa pamumuno ni Rev. Fr. Mateo Ma. J. de Jesus, na dating rektor, at sa gabay ng AGF Security Agency Corporation.
Sa aming panayam, binalikan ni Kuya Emelito ang kuwento kung papaano siya napadpad sa San Beda noong siya ay napabilang sa mga naatasang mag-imbestiga sa mga gawain ng mga guwardiya ng pamantasan noon. “Ni-report namin… pati po ‘yong mga guwardiya na gumagawa ng ‘di maganda… kaya tinanggal sila, pinalit po kami,” lahad niya. “Give and take naman kami, at saka sa trabaho, ginagampanan naman ng maayos,” dagdag niya habang ibinabahagi kung gaano naman katibay ang kasalukuyang samahan at suportang ipina-padama sa kanya ng kanyang mga kapwa security guard.
Sa kabila ng mga hamon, isa sa mga hindi malilimutang karanasan ni Kuya Emelito bilang guwardiya sa San Beda ay ang Bagyong Ondoy noong 2009. Sa kabila ng matinding pagbaha, nagsumikap silang matiyak ang kaligtasan ng mga Bedista. “Basang-basa po kami no’n…para lang ma-save ‘yong mga files ng San Beda,” kwento niya.
Sa patuloy na paglilingkod niya sa San Beda, hindi inaasahan ni Kuya Emelito na sa bawat bati at ngiti mula sa mga empleyado at mag-aaral ng pamantasan ay maituturing siya na kasapi sa isang pamilyang pinahahalagahan ang kanyang pagsusumikap at dedikasyon sa serbisyo.
Sustansya para sa bawat Bedista: Si Ate Jonlyn Cabillo ng Dom Felipe Café

Naiistres ka ba? Baka naman gutom lang iyan! Kung nais mo malaman kung bakit malinamnam ang mga ulan na handa sa Dom, mainam na makilala natin si Ate Jonlyn! Bagamat bago pa lamang siya sa San Beda, hindi ito hadlang upang maglingkod siya ng tapat at malasap ang mainit salubong nating mga Bedista.
Noong nakaraang Pista ng Sto. Niño 2023 nagsimulang magtrabaho a si Ate Jonlyn bilang Branch Head sa ilalim ng Food Baskets Corporation na tagapamuno ng canteen staff sa San Beda. Sa mabilis na panahong iyon ay naipakita na niya ang kanyang kakayahan at dedikasyon sa kanyang trabaho. Inilahad ni Ate Jonlyn na ito ang kanyang “unang pagkakataon na magtrabaho sa isang paaralan,” na isang hamon at bagong karanasang handa siyang harapin. “Minsan nakakatuwa, minsan nakakapagod, pero bilang isang concessionaire, kailangan kong panatilihing mahaba ang aking pasensya sa aking pinaglilingkuran,” ani Ate Jonlyn.
Sa kanyang pagbabalik-tanaw, hindi makakalimutan ni Ate Jonlyn ang naganap na Grand Alumni Homecoming 2024. “No’ng naitawid namin tapos nakikita namin yung saya n’ung mga customer namin kasi nasarapan sila sa luto namin, sa pag-ayos namin do’n sa venue nila, sobrang appreciated kami…lahat ng pagod mo mawawala,” aniya.
Sa kabilang dako naman, naging isang malaking suliranin sa kanila ang tumugon sa mga hinaing ng mga Bedista, kung saan nabalitaan nila ang mga problema sa SBU Freedom Wall sa Facebook. “At agad naming ginawan ng paraan kasi ngayon nagmo-monthly kami na pest control, tapos every day, general cleaning so ‘yon, nawala naman na lahat,” saad niya.
Nang tanungin kung ano ang natutunan ni Ate Jonlyn mula sa pagtatrabaho sa San Beda, sagot niya, “Yung pag-communicate sa mga bata…kailangan kong basahin yung mga ganoon.” Sa patuloy niyang paglilingkod, natutunan niya ang halaga ng pasensya, pagkakaintindihan, at ang kagalakan na hatid ng simpleng pagbibigay ng saya sa mga Bedista.
Maaasahan ng bawat Bedista: Ang Kuwento ni Kuya Alex Andal Jr. ng SBU Library

Sa likod ng mga pahina ng libro sa silid-aklatan ng College of Arts and Sciences (CAS) sa ika-apat na palapag ng Lydia Tan Sy Building matatagpuan si Kuya Alex, na isa sa mga kawani na tiyak nagbibigay-ginhawa sa pag-aaral ng mga Bedista.
Matapos maglingkod sa Accounting Department noong Agosto 2017, itinalaga si Kuya Alex sa silid-aklatan ng ika apat na palapag noong 2020. Ipinahayag niya ang kanyang “kaligayahan” sa pagiging bahagi ng isang puwesto na nagbibigay sa kanya ng pagkakataon na makapag-handog ng tulong at makipag-ugnayan nang malapitan sa mga mag-aaral, “May natututunan kasi kaming bago lagi sa mga students. ‘Yun lang, ang trabaho lang namin is unawain sila.”
Sa kanyang pagsasalaysay, inilahad ni Kuya Alex ang isang nakakakilig na karanasan noong Valentine’s Day, kung saan “…nagbigay ang mga estudyante ng cake sa library, tapos kumanta pa sila. ‘Yon yung latest na na-enjoy namin dito.” Idinagdag niya rin ang kanyang pagpapahalaga sa mga simpleng pasasalamat ng mga mag-aaral. Sa kabila nito, nakakaranas din siya ng mga hamon kapag niya matugunan ang lahat ng pangangailangan ng mga mag-aaral. “May mga pagkakataon na ang ilan ay nagiging makulit,” aniya.
Sa kabila ng mga hamon ng buhay sa paaralan, patuloy na ipinapakita ni Kuya Alex ang kahalagahan ng responsibilidad. Siya ay nakatuon sa pagtugon sa mga pangangailangan ng iba habang pinapanatili ang paggalang sa kanyang trabaho at sa mga mag-aaral.
Ang mga itinampok naming kawani ng pamantasan ay iilan lamang sa mga di-mabilang na mga bayani sa likod ng bawat pagsubok at tagumpay na pinagdadaanan ng bawat Bedista. Sa kanilang walang humpay na serbisyo, nagiging buhay at masagana ang pagpapatakbo ng San Beda. Nawa’y ating bigyang parangal, pagpupugay, at walang hanggang pasasalamat ang kanilang walang-sawang paglilingkod. Sa aming mga non-teaching personnel, mabuhay po kayo!
(with Manssel Latonero)

