WALANG TIYAK NA gabay ang makapagsasabi kung paano maging handa sa iyong unang hakbang sa buhay kolehiyo. Subalit, kung mayroong man nagbubuklod sa mga mag-aaral, ito ay ang kanilang mga katanungan sa mundong hindi pa nila natutuklasan. 

Sa kabila ng pagkakaiba-iba ng mga tao—sa pinanggalingan, paninindigan, kinalakihang kultura, paniniwala, at estado sa buhay—marahil nga nama’y hindi lamang iisa ang maaaring tahaking landas patungo sa mga pangarap ng isang mabuting estudyante. 

“Tandaan, hindi mo kailangan magmadali na punan ang lahat ng patlang; hayaan mong dahan-dahan itong mapuno ng mga alaala at mga karanasan na maingat mong tinatahi.”

Para sa nakararami, ang edukasyon ang pinakamalaking puhunan na nagbibigay pag-asa at direksyon sa kanilang buhay. Gayunpaman, tila parang hindi pa rin kinikilala ng kasalukuyang pamamaraan ng pagtuturo sa maraming pamantasan sa bansa ang iba’t ibang pangangailangan at karanasan ng bawat mag-aaral sa isang silid-aralan.  

Kung susuriin ang kasalukuyan, parang nagiging pribilehiyo ang karapatan sa edukasyong angkop sa mga hangarin ng isang estudyanteng may taglay na potensyal. Ang mga balakid na kinakaharap ng nakararami sa sistema na sumasalamin sa “compulsory education” ay siyang dahilan kung bakit ang daan tungo sa kaunlaran at pagkilala sa sarili ay hindi patag para sa marami.  

Kaya naman, isang mahalagang hamon ang umiiral para sa mga magulang o sinumang taga-gabay na mag-alay ng wastong payo sa ating mga kabata sa pagtahak nila sa bagong kabanatang ito. Kung makakausap ko lamang ang aking nakaraan, mayroon akong iilang payo bago siya pumasok sa kolehiyo. 

Una sa lahat, huwag mong kalimutan na nalagpasan mo na ang kalbaryo ng hayskul life, mula sa napaka-aga na mga flag-raising ceremonies, mga kulitan at alitan, mga away at ambagan, mga kilig at ilangan, mga gabing walang tulog sa pagsulat ng report sa Manila paper o paggawa ng slides sa Powerpoint, mga kunwaring bugbugan kapag birthday ng teacher, mga nasungkit na championship sa intrams, at iyakan sa retreat. Nakakahiya man minsang balikan, ang bawat alaala, aral, at karanasan mula sa hayskul ay nagsisilbing patunay na kaya mong magtagumpay at bumangon sa harap ng mga pagsubok. 

Madalas, mayroon talagang mga pagkakataon na kahit nakakapagod, kinakailangan talaga ang kaunting kompromiso, pag-aadjust, at kung minsan, tuluyang magpanggap na komportable at matapang ka hanggang sa unti-unti mo na itong maramdaman.  

Datapwa’t, sa pagiging mapagmasid at bukas sa iba’t ibang mga oportunidad, huwag kalimutan ang iyong mga prinsipyo. Maaaring kailangan mong umangkop para magtagumpay, ngunit kung labag ito sa iyong tunay na pagkakakilala sa sarili, maglaan ng oras upang suriin kung tama pa ba ang landas na iyong tinatahak. 

Tandaan, hindi mo kailangan magmadali na punan ang lahat ng patlang; hayaan mong dahan-dahan itong mapuno ng mga alaala at mga karanasan na maingat mong tinatahi. Sa mga sandaling parang nawawala ka, balikan mo ang iyong mga ‘bakit’—Bakit ka patuloy na bumabangon? Sa pagbalik-tanaw sa iyong mga dahilan, muling aalab ang iyong determinasyon na magpatuloy. 

Kaya’t sa mga bagong Bedista, tumahan at huwag mangamba. Ang bawat patlang sa ating buhay ay sumisimbolo sa mga pagkakataon upang magbago, matuto, o lumago. Punan mo ang mga patlang na ito hindi lamang ng karunungan, kundi ng kabutihan, tapang, at tunay na kaligayahan. Nawa’y ang bawat hakbang mo ay maging tapat sa iyong pangunahing layunin—ang maging isang buo, kumpleto, at tunay na ikaw.  

email me at thebedan_managingeditor@sanbeda.edu.ph

RELATED


Discover more from The Bedan

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading