IPINAGDIWANG NG SAMAHAN ng Bedan Literati and Linguists (SBLL) ang paggunita ng Buwan ng Wikang Pambansa na may temang “Saliksik!’ na itinanghal noong Agosto 20, 27, at 30 sa San Beda University (SBU).
Nakapanayam ng The Bedan ang pangulo ng SBLL na si Denver Provido kung saan kanyang iginiit niya ang paniniwala ng kanilang organisasyon na nabibigyang-diin sa halaga ng sariling wika sa buhay akademiko ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagdiriwang na ito.
“Ang halaga ng ating pagdiriwang ay sana magsilbing pagpapaalala na may kulay at romantisismo ang ating wika, na makita nila ito bilang isang wikang nagkukwento kung sino sila at magsilbing mitsa ng kanilang interes sa Filipino,” aniya.
Pagbubukas ng pagdiriwang
Sinimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng isang paligsahan sa pagsulat ng tula at sanaysay na naganap sa silid-aklatan ng College of Arts and Sciences (CAS).
Sa patimpalak na ito, nagtagumpay ang mga mag-aaral mula sa unang taon ng kolehiyo ng Departamento ng Agham Pampulitika na sina Harvey John Ropan para sa Sanaysay at si Emanuel Talento Garcia naman para sa Tula.
Susunod, mayroong naganap na scavenger hunt sa silid-aklatan ng CAS kung saan mayroong anim na pangkat na may hamong sagutin ang mga bugtong sa pamamagitan ng paggamit ng mga Online Public Access Catalog (OPAC) machine at hanapin ang tamang libro kung nasaan ang susi na kanilang hinahanap.
Ang paligsahan na ito ay akma sa temang “Saliksik!” na nais hikayatin ang ating mga kamag-aral na gamitin ang silid-aklatan bilang pangunahing sanggunian sa mga pangangailangang akademiko.
Sa pagpapatupad nito, nagbigay ng tulong ang mga tagapangasiwa ng aklatan ng CAS na sina Jennifer Comabig RL, MAeD, CAS Head Librarian at si Jenny Guinsod, RL, MLIS, CAS Librarian, hindi lamang sa pamamagitan ng pagbibigay ng gabay sa silid-aklatan, ngunit pati na rin sa mga kaganapan sa kabuuan ng pagdiriwang.
Yaman sa tula at kultura
Naganap ang pangalawang araw sa Lydia Tan Sy Hall noong ika-27 ng Agosto. Nagbigay ng pambungad na pahayag si Assoc. Prof. Rowena Javier-Rivero, PhD bilang paghalili kay Dr. Marvin Reyes kung saan kanyang isiniwalat ang kahalagahan ng wika sa kultura, lipunan, at pagkakakilanlan.
“Paano kaya natin mapapanitili ang kahalagahan ng ating sariling wika at sa ating sariling kaparaanan, paano kaya natin ito mapangyayari?” pahayag ni Dr. Rivero.
Bilang pagsagot sa hamon na ito, nagpakitang gilas ang iba’t ibang mga organisasyon tungkol sa pagbabasa ng tula, pagsasayaw, paglalaro ng bugtong at iba pang pagtatanghal.
Sa pamamagitan ng pasalitang tula, itinampok ng The Spires ang mga temang umiikot sa pag-ibig, paninindigan, panitikan, wika, at katutubo.
Sinamahan din ito ng mga tradisyonal na sayaw ng Bedan Dance Theater (BDT) kung saan kanilang ipinamalas ang Tinikling at Cariñosa.
Sa mga aktibidad na isinagawa, naniniwala si Provido na ito’y nakapagdudulot ng katatagan sa wikang Filipino. Kaniyang isinaad na sa pamamagitan ng mga programa, “nabibigyan natin ng buhay ang panitikan, wika, at kulturang sariling atin.”
Husay sa diwa ng Wikang Pambansa
Sa huling araw ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika na naganap noong ika-30 ng Agusto, ang SBLL ay nagdaos ng play viewing sa Philippine Educational Theater Association (PETA).
Ang itinanghal na palabas ay ang “Walang Aray”, na siyang hango sa sarswela ni Severino Reyes—isang kontemporaryong dula na tumatalakay sa isyung pangkasalukuyan tulad ng korapsyon, kasarian, at pagkilala sa sarili.
“Dito pinapakita ang talento ng mga Pilipino sa pagsulat, pag-awit, at pag-arte na siyang saklaw ng ating pagdiriwang ngayong buwan,” isinaad ni Provido.
Mula sa mga magigiting na paligsahan, masisiglang aktibidad, makabuluhang seminar, at matagumpay na pagdiriwang ng Buwan ng Wika, isang mensahe lamang ang nais na iparating ng organisasyon.
“Ang aming samahan ay patuloy na manghihikayat sa iba’t ibang bahagi ng ating pamayanan na lumahok sa gawaing pampanitikan at wika. Bukod dito ay nagnanais ang aming samahan isulong ang pagsali ng ating pamantasan sa ibang samahan ng mga Unibersidad na naka tutok sa wika, panitikan, at kultura,” iniwakas ni Provido.
(kasama si Aliyah Buene D. Aya-ay)

