WALANG ‘SING TAMIS ang mabuhay sa tila perpektong mundo kung saan lahat ay may karapatan at prihibeliyong gawin ang kanilang pinaka minamahal na pagtugtog, pagsulat, pagguhit, o iba pa. Imortal man ituring ang ganitong mga sining, mortal at mortal pa rin kung ituturing ang pasyon sa likod nito. Sa usaping yumao na – pahintulot muna, Emily Dickinson, sapagkat kailangan kong manumbalik sa aking inang wika.
Ayon sa pinakabagong datos, 17.8% ng employment rate sa bansa ay binubuo ng mga trabahong may kaugnayan sa sining. Para sa isang bansa na laging inuuna ang praktikalidad, masasabi ng isa na mataas na bilang na iyon. Ngunit mayroon pa ring paniniwala na ang pagsikap makamit ang malayong pangarap na gawing pamumuhay ang paggawa ng sining ay hindi pangmatagalan. Kahit gaano man kasakit, naging dahilan ito upang iwasan ng mga tao na parang salot dahil sa takot na mahusgahan lalo na sa loob ng pamilya. Bihira rin maisalin ang pagsisi sa kabataan sapagkat hindi sila o ang kanilang mga pamilya ang dahilan sa pagkabigo makamit ang ganitong mga pangarap, dahil ang tunay na may sala ay ang sistemang hindi nagbibigay ng puwang para sa mga sining.
Hindi man aminin ngunit tagos sa damdamin isipin na kahit gaano pa kalalim ang pasyon ng isang tao sa kanyang likha, hindi at hindi tayo mapapakain ng alab lamang.
Sa kada taong isinantabi ang kanilang sining para sa “mas praktikal” na trabaho, ang pasyon sa likod nito ay hindi naman namamatay, nagiging mas tahimik lamang.
Sa kabila nito, hindi pa rin maipagkakait ang pagiging matalik ng sining at ng sila’y hindi na makakamit ito sa paraang perpekto. Wala nang mas Pilipino pa sa hindi pagkakaroon ng kawalan sa pagkahumaling – labis na makikita sa estasyon ng mga pampublikong transportasyon, sa kada hithit ng yosi, at sa kada pagpatak ng luha. Ngayong Buwan ng Wika, hindi lamang paggamit ng ating inang wika ang ating iginugunita, kundi pati na rin ang bawat aspeto nitong nagbibigay ng karagdagang romansa at sigla sa sining ng pagpapahayag nito.

