MADUGONG KABUUANG PANANAGUTAN. Sa laganap na daluyong ng karahasan na bumabalot sa mga paaralan—ang puwang at hulmahan ng kinabukasan sa anyo ng mga kabataang Pilipino—isang katanungan ang nauugnay sa pagtataguyod ng pananagutan: Sa kung kaninong kamay ang mga nagmamay-ari sa siyang nagkasa sa gatilyo ng dahas na nagpapamalas ng kalibre ng kasalukuyang kalagayan, kasabay ng pagbabalik-tanaw sa kamay na bakal na ngayo’y naghahasik sa nagkulay-dugo na pangangalawang.
Sa makatwirang pamantayan, isa sa mga konseptong hindi marapat maikabit sa isa’t isa ay ang bata at dahas. Hindi tansya ng ilang kilometrong milya ang distansyang wastong itakda sa pagitan ng bata at iba’t ibang mukha ng dahas, higit pa lalo sa uri na kinabibilangan ng armadong dahas.
Sa sari-saring sintomas—sa walang habas na barilan, saksakan, bayolenteng pagtatangka, pananalita, at akto—na pangkasalukuyang lumilikha sa imaheng maihahalintulad sa sakdal ng “Spoliarium” na may makabagong paksa sa mukha ng mga kabataan at pook sa loob ng mga paaralan, tingnan ang kabuuang ipinapabatid, ang kamay na nagkasa sa dahas.
Unang umani ng traksyon sa mata ng taumbayan ang insidenteng kinabibilangan ng pananaksak sa pitong mag-aaral sa ikalimang baitang sa Cavite, ang pamamaril sa lungsod ng Tacloban na ikinasawi ng tatlong estudyante, kasunod ng insidente ng pamamaril din sa pamantasan ng Ateneo de Zamboanga na ikinasawi ng dalawang mag-aaral sa sekondarya, ang kumakailan na trahedya na kinabilangan muli ng pamamaril sa isang paaralan sa South Cotabato na umagaw sa tatlong buhay, at ng kabuuang datos na pumapalo na ngayon sa nakaaalarmang bilang ng iba’t ibang insidenteng kinabibilangan ng dahas sa loob ng apat na sulok ng paaralan.
Sa gitna ng mainit na usaping nakapaligid sa naturang mga insidente, maraming mga tanong ang pumailanlang, kasabay ng mga matang mapang-akusa na sumubok tahakin ang katwirang pinag-ugatan ng mapait na epidemya ng dahas.
Maraming mga daliri ang tumuro at pumaratang sa mga aspeto at paksang baliko at hindi proporsyonal sa kinakaharap na suliranin, kabilang ang pagkabuhay ng talakayan na ang makabagong panahon ng teknolohiya sa gawi ng mga online games ang ugat ng pagdanak ng dugo; isang labis na kabalbalang pagtakas sa malaking salik at mga kundisyon na kinagisnan, kinalakihan, at humulma sa reyalidad ng mga kabataan.
Lawakan ang isip at pangdama, magnilay sa katotohanan na ang daliri ay naaayong dumuro sa marahas na sistemang kinupkop ng mga kamay na bakal na ngayo’y lumuluma at nagdudulot ng gumagapang na kalawang sa porma ng dugong dumadanak–siyang kamay na may namamayaning puwersa na kasalukuyang nakatanghal sa paglaganap ng dahas pati sa mga musmos na kaisipan.
“I don’t feel safe,” siyang marapat, siyang tunay. Sa hinubog na epidemya ng dahas, may patotoo sa takot at pangamba na bumabalot ngayon sa lipunan. Sa hinuha, ang kabalintunaan lamang ay ito ay isinasambit na ng mismong isa sa mga nagpalaganap ng marahas na epidemya.
Para sa mga buhay na kinitil ng tinutukoy na sistema, pareho sa metaporika at nang literal, ang panawagan ay hindi lamang para sa pagdadalamhati, kundi para sa resolusyon at kolektibong pananagutan, kasabay ng isang panalangin. Dalangin na ang bukas ay maisulat sa makatarungang paraang naaayon sa marapat na kahihinatnan ng kinabukasan—ang ating mga kabataan.
Sa pangkalahatan, ang sestensya ay iisa: Nawa’y ang karampatang puwang sa puso na para sa mukha ng ating kinabukasan ay huwag hayaang mapatlang. Patagin nawa ng pag-ibig para sa pag-asa ang gabundok na dahas na namamayani, maghilom sa siyang epidemya tungo sa liwanag na naging banaag muna sa kasalukuyan. Pusukin ang mga naratibong baliko at magpabulag sa katotohanan ng tunay na salik at sa dagitab ng bukang-liwayway sa mukha ng mga anak ng bayan. Titig sa kabuuan, kumilos sa abot ng makakaya, ialay ang mga kamay para sa pagtatatag ng isang bukas na nakasilong sa mga katangiang makatao at marubdob, kasalungat at malayo sa dahas.

