SA MALAYONG LUGAR ng mga pangarap, oportunidad, at walang tigil na pagbabago, nakapananabik ang magsimula muli. Ngunit sa likod ng bawat bagong simula ay may lungkot ng pagkakalayo, bigat ng responsibilidad, at pangungulila sa pamilyang naiwan. Haru, sa pagdating mo, turuan mo akong yakapin ang pagbabagong hatid ng panahong ito, sapagkat may mga pangarap na kailangang lampasan ang sarili upang sabay marating ang mga bituing minsan pinagmamasdan nang magkakasama.
Sa kulturang Pilipino, hindi na bago ang unti-unting pagbigat ng responsibilidad habang tayo ay lumalaki, lalo na para sa mga panganay na kadalasan ay hindi na kailangang sabihan kung ano ang inaasahan sa kanila dahil kusa na nila itong nararamdaman. Darating ang panahong ang pagiging kuya o ate ay hindi na lamang tungkol sa pagiging nakatatandang kapatid, kundi pagiging taong maaaring sandalan ng mga kapatid at mga magulang.
Kasabay nito, may mga pangarap na kailangang tingnan nang higit sa sarili, at may mga desisyong hindi na lamang tungkol sa sariling kagustuhan kundi sa kung ano rin ang makabubuti para sa mga taong kasabay sa buhay. Para sa ilan, hindi madaling yakapin ang ganitong papel, sapagkat may kasamang sakripisyo, pangungulila, at mga sandaling kailangang tanungin kung hanggang saan kayang magbigay nang hindi nalilimutan ang sariling pagkatao.
Isang halimbawa nito ay makikita sa pelikulang Seven Sundays, kung saan makikita ito kay Bryan Bonifacio, ginampanan ni Dingdong Dantes, na bilang haligi ng tahanan ng pamilya ay nasanay na unahin ang pangangailangan ng mga mahal niya sa buhay. Kasabay nito, ipinakita rin kay Allan Bonifacio, ginampanan ni Aga Muhlach, ang bigat ng pagiging panganay at ang mga responsibilidad na kaakibat nito.
Ngunit may mga kuya o ate na ayaw tingnan ang pagiging sandigan bilang isang tanikalang nakatali sa kanila dahil sila ang nakatatanda. May mga taong pinipili ito hindi dahil kailangan, kundi dahil may mga kapatid at magulang silang gusto nilang makitang mangarap at may mga pangarap silang nais makatulong na maging totoo.
Ngunit ang hangaring maging sandigan ng pamilya ay hindi kasing dali ng nakikita mula sa labas. Sa likod nito ay mga gabing kapos sa tulog, mga pangambang baka hindi kayanin, takot na mabigo, at bigat ng mga inaasahang kailangang dalhin kahit pagod na. Ngunit hindi lahat ng ginagawa para sa pamilya ay kailangang tingnan bilang sakripisyo, sapagkat may mga bagay na pinipiling gawin dahil sa pagmamahal, at may sariling saya sa makitang unti-unting naaabot ng mga mahal sa buhay ang mga pangarap na minsan ay hanggang tanaw lamang.
Kaya, sa mga kapatid na kasabay sa bawat away at tawanan, huwag matakot mangarap at abutin ang mga bituing nais ninyong makamit. Sa mga magulang na naging tahanan sa bawat yugto, huwag matakot maging makasarili paminsan-minsan at lakbayin din ang mundong ito. Sa bawat hakbang ninyo, nariyan sina ate at kuya, kasabay sa bawat paglalakbay at sa bawat bukas na naghihintay.
Ngunit hindi nangangahulugang ang ganitong uri ng pagmamahal ang dapat piliin ng bawat kuya o ate, sapagkat may mga nakatatandang kapatid na pinipiling unahin ang pamilya habang ang iba naman ay kailangang bigyang-daan muna ang sariling pangarap. Pareho silang may karapatang tahakin ang landas na sa tingin nila ay tama para sa kanilang buhay, dahil walang iisang paraan upang magmahal at ang pagiging sandigan ng pamilya ay hindi dapat maging sukatan ng pagiging mabuting anak o kapatid.
Haru, ang pagiging sandigan ng tahanan ay isang responsibilidad na kabigat-bigat, ngunit isa ring tungkuling marangal na buong pusong tinatanggap. Sa pagdating mo, darating din ang bagong simula na matagal nang hinihintay, isang bukas kung saan ang bigat ng pananagutan ay magiging bahagi ng kalayaang piliing magbigay, mag-aruga, at bumuo ng sariling tahanan.

